Nadakip na 60-anyos na lalaki na nahuli-cam na nagpasok ng 9-anyos na babae sa isang inn sa Kabacan, Cotabato, at tinangka umano nitong molestiyahin. Mabuti na lang at naitulak ng biktima ang suspek at nakatakbo siya palabas ng kuwarto.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, kinilala ng mga awtoridad ang suspek na residente ng Barangay Magatos.

Ayon sa pulisya, naaresto ang suspek dakong 3:50 pm nitong Lunes, matapos iulat ng isang residente na nakita ito na may dalang baril.

Nakumpiska ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .38 na revolver, at isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang suspek ang pinaniniwalaang sangkot sa umano'y pangmomolestiya sa batang babae na isinama niya isang inn sa nasabing bayan noong nakaraang Biyernes.

Nakilala ang suspek sa pamamagitan ng identification card (ID) na umano'y naiwan niya sa inn. Ayon sa pulisya, inamin din ng suspek na siya ang lalaking nasa ID.

Sa CCTV footage ng inn, nakita ang suspek at biktima bago pumasok sa kuwarto. Ilang saglit lang, patakbong lumabas ng kuwarto ang babae at nakasunod ang suspek.

Sinabi ng ina ng bata na pauwi na ang kaniyang anak nang mangyari ang insidente nang magsabi umano ang suspek na bubuhatin nito ang mga dala ng biktima.

Pero sa halip na ihatid sa bahay, dinala ng suspek sa inn ang biktima at doon umano hinalikan nito ang bata na nagawang makapiglas at makatakbo.

Pinayagan umano ng kahera ng inn na makapasok sa kuwarto ang dalawa matapos idahilan umano ng suspek na anak niya ang bata.

Mahaharap ngayon ang suspek sa patong-patong na kaso ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591), Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), at child abuse.

Iimbestigahan din ng mga awtoridad ang pananagutan ng inn dahil pinayagan nito na makapasok sa kuwarto ang suspek at ang bata.

“Imbestigahan natin kasama ang Local Government Unit kung may mga lapses sila doon sa nangyari. Puwede ang LGU will recommend for the closure or preventive suspension ng permit nila,” ayon kay Kabacan Municipal Police Station Chief, Police Lt. Col. April Lou Palma. – FRJ GMA News