Tinanggihan ng Sandiganbayan Third Division ng Sandiganbayan ang kahilingan ni dating Senador na si Ramon "Bong" Revilla Jr. na pansamantalang makalabas ng piitan upang mapuntahan ang lamay ng kaniyang yumaong kapatid sa ama.

Sa tatlong pahinang resolusyon, sinabi ng anti-graft court na bagama't isang personal na trahedya ang pagkawala ng isang kapatid, pero ang dahilan umano ni Revilla, "did not rise to the level of an exceptional ground required to override the court's primary duty of maintaining secure custody over the accused, particularly considering the seriousness of the charges against him."

Tinukoy ni Revilla ang yumao niyang kapatid sa ama na si Jojo Bautista, na nakaburol sa Angelus Eternal Garden Chapel sa Imus, Cavite. Hiniling ng dating senador na payagan siyang dumalaw sana sa lamay noong Hunyo 27 o 28.

Kasalukuyang nakakulong si Revilla sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas kaugnay ng nakabinbing kasong malversation laban sa kanya at sa lima pang akusado hinggil sa umano'y P92.8 milyong proyekto sa flood control sa Pandi, Bulacan.

Ayon sa Sandiganbayan, sa isinagawang inspeksiyon ng Third Division, walang nakitang anumang estrukturang nakatayo sa lugar na patungkol sa proyektong pangontra sa baha.

Sinabi rin ng hukuman na ang pagbibigay ng pahintulot sa kahilingan ni Revilla na makapunta sa burol ng kapatid ay dagdag na pasanin sa seguridad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Kakailangannin umano ng maraming tauhan para magbantay at umalalay sa kaniyang paglabas.

Dagdag pa ng Sandiganbayan, maaaring magbigay ng maling impresyon na binibigyan siya ng espesyal na pagtrato kumpara sa ibang mga bilanggo kung pagpapahintulot si Revilla na makadalo sa lamay.

"Alternative means remain available for the accused to express his condolences and participate, albeit indirectly, in the family's observance of mourning. Such considerations further militate against the grant of the extraordinary privilege sought," ayon sa anti-graft court.— Llanesca T. Panti/FRJ GMA News