Patay ang isang 36-anyos na babae matapos pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Sitio Mendez, Barangay Baesa, Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na tumakas sakay ng motorsiklong inagaw nito matapos ang pamamaril.

Sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV ang biktima na nakatayo habang nakasuot ng pulang T-shirt bandang alas-6 ng gabi.

Makalipas ang ilang sandali, lumapit sa kaniya ang isang lalaking nakatakip ang mukha at tila nakipag-usap.

Nang tumalikod ang babae, biglang bumunot ng baril ang lalaki at pinagbabaril siya, na ikinagulat at ikinayanig ng mga residente sa lugar.

Makikita rin sa CCTV na matapos ang pamamaril ay inagaw ng suspek ang motorsiklo ng isang rider bago tumakas.

Idineklarang dead on the spot ang biktima matapos magtamo ng mga tama ng bala sa leeg at balikat.

"Bumili po siya diyan sa tindahan ng tusok-tusok. Kumakain po siya diyan. May kausap po siyang lalaki. Nag-usap sila diyan. Nu'ng umalis na siya, biglang may pumutok na, nabaril," ayon sa hipag ng biktima.

Naulila ng biktima ang anim niyang anak na pawang menor de edad, kabilang ang apat na taong gulang na bunso.

"Masakit sa akin. Kasi naiwan 'yung mga bata. Wala rin 'yung papa nila. Tapos ngayon wala rin 'yung mama nila. Nakakaawa rin 'yung mga bata," dagdag ng hipag.

Hindi pa matukoy ng mga kaanak ang posibleng motibo sa pamamaril.

Ayon sa kanila, posible umanong hindi taga-lugar ang suspek dahil wala umanong nakakakilala rito.

"Kung ano man ang naging atraso niya sa iyo, dapat hindi naman gano'n. Hindi mo sana siya pinatay," saad pa ng hipag.

Patuloy ang isinasagawang backward at forward tracking ng pulisya gamit ang mga nakuhang CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.

Tumanggi munang magbigay ng panayam ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.— MCG GMA News