Isang motorcycle taxi rider ang nasawi matapos siyang saksakin ng ice pick ng kaniyang pasahero sa Caloocan Martes ng madaling araw. Ang motorsiklo ng biktima, tinangay pa ng suspek.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV na dakong 1:30 a.m. ng madaling araw nitong Martes nang ibaba ng 46-anyos na motor taxi rider ang kaniyang pasahero sa Talangka Ali sa Kaunlaran Village sa Barangay 20.
Ilang saglit pa, pinagsasaksak na ng pasahero sa tagiliran ang rider na nakatalikod. Nagawa pa ng biktima na nakatakbo palayo sa suspek.
May dalawang nag-iinuman ang nakasaksi sa insidente at nagtangka na tulungan ang rider ngunit pinagbantaan umano sila ng salarin.
“Ang sabi ko ‘Pre, tingnan mo 'yun kung ano 'yun nangyari. Kasi po naalarma po kami, may umaray, eh may dumaan lang pong motor eh,” sabi ng isang saksi.
“Pagkaano niya ng motor, pagkabagsak niya, 'yung biktima, tumakbo na. Ako na 'yung natira doon na para haharangan siya o sakali hahabulin namin. Kaso, 'yung rider, sabi sa akin na ‘babarilin kita.’ Sabi ko, ‘Sige iputok mo.’ Tapos biglang, sumakay siya sa motor. Mabilis na pagpatakbo,” sabi ng isa pang saksi.
Tinangay ng suspek ang motor ng biktima at umalis. Habang dinala naman sa ospital ang biktima pero nasawi rin kalaunan.
Ilang oras matapos ang krimen sa Caloocan, muling umatake ang suspek sa Malabon at nang-agaw ng cellphone.
Sinabi ng pulisya na hinablot ng suspek ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga umano ng P7,000 mula sa isang lalaking naglalakad sa Barangay Longos.
Tinangkang tumakas ng suspek ngunit naabutan ng ilang residente at binugbog siya.
“Nandu’n naman 'yung sa malapit 'yung kapulisan natin. Kaya narespondehan 'yung pangyayari. Naabutan nila kaya nahuli rin ang suspek,” sabi ni Police Colonel Mission, Chief ng Malabon Police.
Modus umano ng 43-anyos na suspek ang pagnanakaw ng mga motorsiklo ng mga nasasakyang motor taxi.
“Usually sa mga madaling araw o gabi siya lumalakad. Kung sino 'yung makikita niya sa daan, hinoholdap niya at saka kukunin 'yung motor,” sabi ni Mission.
Sinabi ng pulisya na sangkot din ang suspek sa isa pang insidente ng motornapping noong Hulyo 11 kung saan tinangay niya rin ang motorsiklo ng isa pang rider pagdating sa Malabon.
Ayon sa suspek, hindi niya intensyong patayin ang na-book na rider sa Caloocan.
“Nabigla lang po ako. Pasensiya po, hindi naman po sinasadya. Patawad po,” sabi ng suspek.
“Hindi po namin siya mapapatawad. Naghahanapbuhay lang po 'yung kapatid ko. Bakit ganoon na lang ang ginawa niya? Wala siyang kalaban-laban,” sabi ng kapatid ng biktima.
“Meron siya isang anak. Tatlong taon 'yung anak niya. Kailangan lang po namin ng hustisya,” sabi pa niya.
Narekober ng pulisya ang ginamit na ice pick at ang motorsiklo ng biktima.
Nakabilanggo ang suspek sa Malabon City Police Station at mahaharap sa mga reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016, robbery at homicide. -- Jamil Santos/FRJ GMA News
