Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad sa isang babaeng siyam na taong gulang na pinaniniwalaang nahulog sa ilog makaraang lumusot sa dingding na may butas sa bahay ng kaniyang lola sa Leganes, Iloilo. Ang biktima, hindi nakakalakad at hindi rin nakakapagsalita.
Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV Balitang Ratsada nitong Martes, sinabi ng ina ng bata sa mga pulis na iniwan niya kaniyang anak sa bahay ng lola nito noong Lunes, July 13, 2026, para makabili siya ng bigas.
Pero nakatulog umano ang lola, at nang magising dakong 6:00 pm., wala na ang bata.
Pinaniniwalaang gumapang ang bata papunta sa bahagi ng bahay na may butas sa dingding, kung saan siya nahulog at tuluyang napunta sa ilog.
“Paggabi ng pag-uwi namin, may dala kaming bigas, nawala na ‘yung anak ko,” ayon kay Melojane, ina ng bata.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan, katuwang ang mga boluntaryo ng Philippine Coast Guard, ngunit hindi pa nila natatagpuan ang bata.
“Nagse-search ang rescue operation ang MDRRMO in coordination ho sa amin para mahanap ang bata,” sabi ni Police Capt. General Robles, hepe ng Leganes Municipal Police Station.
Nalunod sa Santa Barbara
Samantala, natagpuan na ng mga awtoridad ang katawan ng lalaking iniulat na tumalon sa ilog sa Jibao-an, Santa Barbara, Iloilo.
Ayon sa pinsan ng lalaki, ang kanilang pamangkin ang nakakita sa bangkay ng biktima sa floodway sa Bitoon, Jaro.
Sakabila ng nangyari, sinabi ni Lorena Mendoza, pinsan ng biktima, na nagpapasalamat pa rin sila dahil natagpuan na ang biktima.
“Nagpapasalamat kami dahil nakita na namin siya. Hindi na kami nahirapan sa paghahanap sa kaniya. Panatag na ang aming pag-iisip. Tanggap na namin ang nangyari sa kanya,” saad niya. – FRJ GMA News
