Matagal nang itinuturing tahanan ng isang komunidad ng mga Aeta ang kagubatan ng Sitio Tibag, Barangay Naugsol sa Subic, Zambales. Ngunit ang lugar na mala-paraiso, biglang nagbago nang gawin itong tambakan ng basura ng lokal na pamahalaan.

Mayroong malinis na batis sa lugar na pumapawi sa uhaw ng mga katutubo tuwing bumababa sila ng bundok upang dalhin at ipagbili sa palengke ang kanilang mga ani. Ang luntiang kagubatan naman ang nagsisilbing malamig at ligtas na lugar upang makapagpahinga at makatulog sila bago muling umakyat ng bundok.

Sa dokumentaryo ni Kara David sa I-Witness na "Ibinasurang Paraiso," sinabing 2019 nang nagtayo ang lokal na pamahalaan ng Subic, Zambales ng isang pansamantalang tambakan ng basura malapit sa tahanan ng mga katutubo.

Noong una, natuwa ang mga Aeta nang makita nilang may ginagawang kalsada sa lugar na inakala nilang makatutulong sa kanilang pamumuhay. Ngunit matapos na magawa ang kalsada, sunod-sunod na dumating ang mga truck na may kargang mga basura, kabilang ang mapanganib na basurang mula sa mga ospital.

"Parang nagagalit po. Hindi ko po maintindihan ang sarili ko po," sabi ni Erlinda, isa sa mga Aeta na nakatira sa lugar. "Naaawa din po ako sa lugar, bakit ginanito po nila? Masakit sa damdamin."

Ibinahagi rin niya ang paliwanag na ibinigay umano sa kanila ng mga awtoridad nang gawin ang dumpsite. Maglalatag umano muna ng makakapal na plastik sa lupa bago itambak ang mga basura.

"Tapos kada tapon ng basura, tatabunan ng lupa para hindi magkalat ng basura," patuloy ni Erlinda. Maglalagay din umano ng pader upang hindi kumalat ang basura at maiwasan ang kontaminasyon.

"Naghahanap ng location kung saan puwede mag-dump ng basura. Nung nakita na isolated yung area, walang nakatira, gubat yung area, pagsamantala duon muna inilagay," ayon kay Marian del castillo, municipal engineer ng Subic-LGU.

Sinabi naman ni Mary Grace Molina, Officer-in-Charge ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), na hindi nila alam na may komunidad sa lugar.

“Kung alam namin na may community, hindi namin itinuloy doon," dagdag niya.

Ngunit ipinakita sa dokumentaryo na nasa loob mismo ng lupang ninuno ng mga Aeta ang lokasyon ng tambakan.

Ipinakita rin kung paano nagbago ang lugar pagkaraan ng pitong taon mula nang tambakan ng mga basura ang lugar. Kabilang ang mga nagkalat na basura sa daan pa lang patungo sa dumpsite, umaalingasaw ang mabahong amoy, naglipana ang mga langaw, at ang dating malinis na batis na pinagkukunan ng inumin at paliguan ng mga katutubo, may indikasyon na ng kontaminasyon.

Dahil dito, napilitan umanong lumikas ang ilang pamilyang Aeta mula sa kanilang mga tahanan at maliliit na sakahan upang makaiwas sa mabahong amoy, mga langaw, at iba pang perwisyo na dulot ng tambakan.

Ayon sa mga dokumentong nakuha ng "Ibinasurang Paraiso," natuklasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang naturang tambakan noong Enero 2022 at agad na idineklarang labag ito sa batas.

Inatasan nito ang lokal na pamahalaan ng Subic na ipasara, ayusin, at isailalim sa rehabilitasyon ang lugar.

Ngunit umabot pa ng tatlong taon bago kumilos ang LGU. Noong Setyembre 2025 lamang sila nagsimulang umaksyon matapos magsampa ng reklamo ang komunidad ng mga Aeta.

"October 2025, hindi na nag-operate because of the complaint," ayon kay Atty. Serafin Alzate, municipal legal officer ng LGU.

Sa dokumentaryo, sinabi naman ng dating pinuno ng mga Aeta na si Virgilio Delos Santos na nagreklamo na sila noong 2019, at kinausap sila ng alkalde ng Subic.

Nagkaroon umano ng kasunduan na magbibigay ang LGU ng ₱10,000 kada buwan sa komunidad. Tinanggap umano ito ng mga Aeta dahil, ayon kay Delos Santos, itutuloy pa rin naman ang proyekto kahit tumutol sila.

Pero itinanggi ng LGU ng Subic ang pagkakaroon ng naturang kasunduan. Sinabi ni Alzate na inaako nila ang “accountability” sa nangyari.

"The LGU is preparing for reparations," dagdag niya at sinabi pang, "this is a concerted effort kaya sana frequent din yung pagpunta nila dito so we will be informed kung ano pa ang puwede naming gawin."

Sa Cease and Desist Order ng DENR noong Marso 2026, nakasaad na dapat alisin ng LGU ang lahat ng basura sa lugar sa loob ng 15 araw.

Gayunman, sinabi ng LGU na hindi ito praktikal dahil mangangailangan ito ng napakalaking pondo.

"Kailangan ng budget. Based sa engineering, kailangan ng P78M para ma-rehabilitate yung area. Naka request na sa DPWH at least 60M for rehabilitation," ani Del Castillo.

"Hindi puwede magtanggal ang basura. Ilang taong iho-haul yung basura, Puede namin tambakan ng lupa [at lagyan ng] vent. Ang gagawin na lang namin ay prevention na lang na hindi kumalat ang contamination," dagdag ni Del Castillo.

Sa dokumentaryo, ipinahayag ni Erlinda kaniyang lungkot at galit.

"Wag naman sana ginanon ang bundok," saad niya. "Pag nagtitinda kami sa palengke, lagi sinasabi, 'walisan at linisan ang puwesto.' Agad-agad nilang sinasabi, ang sumusunod naman kami. Pero siła, parang bingi." — FRJ GMA News