Halos hindi makapagluksa ang pamilya ng isang yumaong “manggagamot” dahil dinagsa ng laksa-laksang mga gamu-gamo ang kaniyang burol sa Pilar, Bohol. Hinala ng mga kaanak, kagagawan ito ng mambabarang na pinaniniwalaan nilang dahilan din ng kaniyang pagkamatay.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang video ng pagdumog ng sangkatutak na gamugamo sa unang gabi ng lamay ng yumaong si Felix Bonio. Kaya naman halos hindi na makalapit ang mga tao na nais makiramay at lumapit sa kabaong.
Ipinagtataka ng anak ng yumao na si Flora Mae Bonio, na may iba ring nakaburol sa kanilang lugar noong gabing iyon, pero ang kanilang bahay lamang umano ang dinagsa ng libo-libong gamugamo.
Dahil dito, naging bali-balita na binarang umano si Felix, isang manggagamot na takbuhan ng kaniyang kamag-anak sa tuwing may nakagat ng mga insekto.
Taong 2024 nang biglang nagkasakit sa baga si Felix. Kutob ng kaniyang mga anak, hindi ito dahil sa bisyo ng kanilang ama kundi gumanti umano ang mga inagrabyado nitong nuno.
“‘Pag tumubo [ang punso o lupa na bahay ng anay ], bibiyakin niya. May ibubulong lang siya na Latin,” kuwento ni Flora Mae.
“Pinapagalitan ko siya pero hindi siya nakikinig. Nagalit siguro ang nakatira roon [sa lupa] sa sinira niya,” sabi ni Esther Bonio, asawa ni Felix.
Sa paglubha ng kondisyon ni Felix, sumangguni na ang anak niyang si Robert John Bonio sa isang albularyo, na sinabing gawa umano ito ng mambabarang.
“Nag-video call kami. Sabi ng albularyo sa akin malakas ‘yung gumagawa. May naiinggit daw sa kaniya,” sabini Robert John.
Dati raw nitong katrabaho ang nasa likod ‘di umano ng pambabarang kay Felix.
Kumbinsido rin si Flora na may naghiganti laban sa kaniyang ama dahil minsan na rin itong nagkuwento sa kaniya na may nakaaway itong katrabaho sa pinasukan nitong construction site.
Kalaunan, tuluyan nang binawian ng buhay si Felix noong Hunyo 28 dahil umano sa heart failure.
Sa unang gabi ng burol, laking gulat ng pamilya nang dumugin ang lamay ng napakaraming gamugamo.
“Gusto lang kasi namin mabigyan ba ng hustisya. ‘Yung malaman namin kung totoo, mapanatag ‘yung isip namin,” sabi ni Flora Mae.
Tunghayan sa KMJS ang panayam sa dating katrabaho ni Felix, at ang paliwanag ng isang entomologist kung bakit dinumog ng laksa-laksang mga gamugamo ang kaniyang burol. Panoorin ang video.—FRJ GMA News
