Ibinahagi ni Ate Gay ng positibong update tungkol sa bukol na lumitaw malapit sa kaniyang leeg. Ayon sa standup comedian, mabilis na gumagaling ang bukol sa isinasagawa sa kaniyang gamutan.

Sa Facebook, nag-post ang komedyante ng mga larawan matapos ang kaniyang unang sesyon ng paggamot at kapansin-pansin umano ang magandang resulta.

"Napakagaling ng Cyberknife at ng doctor ko sa Asian Hospital. Ambilis maghilom ng bukol ko oh. One session palang 'yan. thank you Lord," saad ni Ate Gay.

Matapos ang kaniyang ikalawang sesyon, sinabi ni Ate Gay na ikinatuwa ng kaniyang doktor kung gaano kabilis tumugon sa gamot ang bukol.

"Thank You Lord. Sabi ng Doctor ko bakit sa akin ang bilis maghilom ng bukol ko. Dami kasi nagdadasal," dagdag ni Ate Gay.

Nitong Miyerkules, nagbahagi uli si Ate Gay ng isa pang maikling update habang isinasagawa ang kaniyang ikatlong sesyon ng CyberKnife.

Noong nakaraang linggo, ibinahagi ni Ate Gay na may natuklasang bukol ang mga doktor sa ibaba ng kaniyang leeg na malapit sa balikat, na naging dahilan para isailalim siya sa limang sesyon ng CyberKnife treatment sa Asian Hospital.

Ang CyberKnife ay isang robotic at non-invasive radiation therapy system na naghahatid ng eksaktong radiation sa mga tumor at iba pang kondisyon sa kalusugan nang hindi na kailangan ng operasyon.

Noong nakaraang buwan lamang, sinabi ni Ate Gay na wala na siyang mga bukol sa kaniyang leeg batay sa resulta ng kaniyang MRI (Magnetic Resonance Imaging).

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong Setyembre 2025, isiniwalat ni Ate Gay na mayroon siyang Stage 4 cancer. Mula noon, sunod-sunod ang mga biyayang natanggap ng komedyante at tumulong sa kaniyang pagpapagamot.—Carby Rose Basina/FRJ GMA News