Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipino na kasamang nasawi sa malagim na sunog na nangyari sa isang pub sa Bangkok, Thailand noong Linggo.

“According to the Philippine Embassy in Bangkok, no Filipinos were among the 27 reported fatalities. The Embassy continues to monitor the situation closely,” sabi ni DFA spokesperson Analyn Ratonel sa mensahe sa GMA News Online nitong Lunes.

Hindi bababa sa 63 katao pa ang nasugatan sa insidente, at 22 sa kanila ang nasa malubhang kalagayan, ayon sa ulat ng Reuters.

Batay sa testimonya ng mga nakaligtas, sinabi ni Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul na biglang sumiklab ang apoy at mabilis na napuno ng makapal na usok ang loob ng pub.

Dahil walang fire exit, maraming kostumer ang nagtangkang tumakas sa pamamagitan ng pagpunta sa likurang bahagi ng establisimyento, malapit sa mga palikuran.

Ayon pa sa ulat ng Reuters, nadatnan ng mga rescuer ang ilang biktima na nakahandusay sa sahig malapit sa mga palikuran ng pub.— FRJ GMA News