Muling lumitaw ang mga lumang estrukturang matagal nang nakalubog sa Pantabangan Dam dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa lugar sa Nueva Ecija dulot ng matinding epekto ng Super El Niño. Ang mga turista at residente, sinasamantala naman ang pagkakataon.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing mas malaking bahagi ng lumang bayan ng Pantabangan ang nakita ng mga tao nitong Linggo, kabilang ang dating simbahan.
Taong 1970 umano nang sadyang palubugin ang bayan dahil sa ginawang dam sa lugar.
Para naman makita nang malapitan ang mga lumang estruktura na matagal na panahon nang nakalubog sa tubig, maaaring umarkila ng bangka sa halagang P100 per heat.
Ayon sa YouScooper na si Marx Lenen Barcelo, muling lumitaw ang lumang bayan na nagsumula sa simbahan noong Biyernes. Pagsapit ng Linggo, isa-isa ring umangat sa ibabaw ng tubig ang ilan pang mga estruktura.
Nangyari ito dahil sa pagtuloy na pagbaba ng tubig sa dam dalot na rin ng umiiral na Super El Niño, o matinding init. – FRJ GMA News
