Timbog ang dalawang lalaki na nangholdap sa isang burger stand sa Pandi, Bulacan nitong Linggo.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nahanap ang 24-anyos na suspek sa Barangay Cacarong Bata, matapos makatanggap ang pulisya ng tip mula sa concerned citizen at magsagawa ng hot pursuit operation.

“Pumunta kami doon upang beripikahin kasama ‘yung witness at pagdating namin doon ay nakita ng witness namin na ito nga iyong backride na nangholdap. Mabilis namin siyang dinakip doon mismo na sa loob ng bahay niya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Nelson Sardin, officer-in-charge ng Pandi Municipal Police Station.

Bandang 3 a.m. noong Hulyo 12 nang makunan sa CCTV ang panghoholdap ng riding-in-tandem. Natangay ng mga kawatan ang mahigit P1,000 na pera at cellphone mula sa tindera.

Ang lalaki ang itinuturong namataan sa CCTV na pumasok sa burger stand at nagdeklara ng holdap.

Nabawi sa kaniya ng pulisya ang isang patalim, damit at helmet na ginamit sa krimen. Nakuha rin ang mahigit limang gramo ng shabu umano at isang baril na kargado ng tatlong bala.

Bigong makapagpakita ng kaukulang dokumento ang lalaki para sa baril.

“Ginagawa nila itong mga illegal activity na ito para makalikom ng pera para pambili ng droga at pambenta rin. Kailangan madala namin ito sa crime laboratory para sa cross-matching at matingnan kung ito ay na-involve o nagamit sa ibang krimen,” sabi ni Sardin.

Samantala, nadakip nitong Lunes ang 25-anyos na lalaking suspek na nagmaneho ng motorsiklo.

Nabawi mula sa naunang suspek ang motorsiklo na tugma ang plate number sa nakunan sa CCTV.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na mahaharap sa reklamong robbery.

May karagdagang mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang 24-anyos na suspek. —Jamil Santos/VBL GMA News