Ibinahagi ni Donita Nose na mayroong bagong nagpapatibok ng kaniyang puso. Ang komedyante, iwas na rin sa mga partner na nananakit.

“Oh my God! Mahal, alam mo ‘yan. Kaaaway lang namin kanina,” sabi ni Donita sa nakaraan niyang guesting sa Your Honor!

“Normal naman ‘yun ‘di ba? Tampu-tampuhan. Pero okay naman. Happy naman kami,” dagdag niya.

Ayon kay Donita, anim na buwan na sila ng kaniyang partner.

“Ang tagal ko naging single kasi. Mga... parang mga three years.”

Bonding daw nina Donita at kaniyang partner ang food trip.

“Kasi kain kami nang kain kung saan. Siyempre, iti-treat niya ako, mag-dinner kami. Kung ano-ano kinakainan. Kasi gano'n yun eh. ‘Pag may partner ka, laps kayo ng laps,” kuwento niya.

Ikinuwento ni Donita kung paano sila nagkakilala ng kaniyang partner.

“Sa work niya kasi. Tapos pumunta ako. Tapos, nagkapalitan ng number. So, dumating sa point na, super, ano kami, chikahan.”

Kalaunan, nagkapalagayan sila ng loob sa isa’t isa.

“Magaan ‘yung dating niya sa akin. Tsaka the way na makipag-usap siya, ganito, ganiyan. So, may parang isa akong landi, pero mas siya ‘yung pinili ko. Siya talaga ‘yung parang biglang nag-match sa akin. ‘Yung sa ugali pareho kami. Sa ano, ‘yung ugali niya nu’ng nakita ko. Kung ano siya, ‘yung pagkatao niya,” patuloy ni Donita.

Dagdag niya, kabe-break lang din noon ng partner niya sa ex nito.

Wala nang ligawan

Ayon kay Donita, wala nang ligawang nangyari sa pagitan nila ng kaniyang partner ngayon.

“Usually ganoon naman, ‘di ba dati, mga panahon na o sige, date-date muna. Ganiyan, ganiyan. Ngayon, para sa akin, hindi. Kasi, ganoon din ‘yun eh,” sabi niya.

“Maging kayo. O ‘di, saka kayo mag-date. Magkilanlan kayo. Ngayon, after three months, hindi kayo okay. ‘Di maghiwalay, ‘di ba? Kaysa ‘yung date kayo nang date. Tapos biglang, hindi rin pala kayo magiging okay,” dagdag niya.

Ang mahalaga raw, nasusubok ang limitasyon kapag nasa relasyon na.

“Puwede kayo mag-kiss. Puwede kayo magkatabi sa ano. Kasi kayo na eh. ‘Pag nililigawan mo pa lang, syempre andiyan ‘yung medyo ilap ka pa, hindi mo mahawakan sa ganito.”

“So, mas mararamdaman mo kung ‘Ah, click talaga tayo. Ah, okay ako sa'yo. Gusto oyang ginagawa mo. So, mas open ka na dapat.”

Red flag

Inilahad pa ni Donita na red flag na sa kaniya ang mga lalaking nananakit.

“Oo, ‘yun ang pinaka ayoko sa lahat na maging karelasyon,” saad niya.

“Out na ‘yun. ‘Yung parang nakita ko, ah, medyo violent. Ah, mataas ang boses kapag nag-aaway kami. Ah, medyo agresibo ‘tong taong ‘to. Out na sa akin ‘yun,” dagdag ni Donita.

Biro ni Donita, lumalabas ang kaniyang pagkalalaki sa mga lalaking ganoon ang ugali.

“Ay, ‘te, nagiging lalaki ako pagdating sa ganiyan. Makikipagbalibagan ako. Oo, may isa akong ex talaga. Ah, rambulan kami talaga. Tinatadiyakan ko paganu’n,” sabi ni Donita. – FRJ GMA News