Arestado sa entrapment operation ang isang bagong abogado at dalawa niyang staff matapos umanong kikilan at takutin ang mismong kliyente nila na magkapatid. Ang suspek na abogado, ngayon taon lang nakakuha ng lisensiya na maging abogado.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang babaeng abogado at dalawang staff sa kanilang opisina.
Sa video footage, mapapanood ang pagbilang sa P300,000 na hinihingi umano ng mga suspek sa kaniyang magkapatid na kliyente, na may banta umano sa buhay.
“We were so scared and hindi po namin alam ang gagawin. Sinabi po namin sa kanila kung puwede kaming tumawag ng pulis. Ang sabi po daw nila is hindi pupuwede kasi madadamay daw po lahat, papatayin daw po lahat. July 15, kung hindi daw po kami makakapagbigay, papasukin daw po 'yung bahay namin. Maski daw po 'yung mga batang anak namin, papatayin at gagamitin para lumabas kami at mapatay,” sabi ng kliyente.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kinuhang abogado ng mga biktima ang suspek para ireklamo for deportation ang Chinese na may atraso sa kanila.
“Ang nangyari natalo 'yung kaso, hindi naipa-deport [yung Chinese],” sabi ni Matibag.
Ayon sa magkapatid, pagkatapos matalo ang kanilang kaso, sinabihan umano sila ng kanilang abogado na may kinontratang sindikato ang Chinese na kanilang kinasuhan.
Nagbayad umano ito ng P600,000 para mapatay sila. Pero hindi raw itutuloy ang plano kung tatapatan nila ang ibinayad ng kalaban.
Kakilala umano ng staff ng abogado ang sindikato kaya puwedeng humingi ng discount.
“Kahit daw po P600,000 ang binayad ng kabilang party, P400,000 na lang po ang dapat naming ibayad para hindi na daw po matuloy ang pagpapatay sa aming magkapatid. Gusto na namin tumawag sa pulis. Ang sinabi po nila, huwag kasi kontak ‘yan ng Chinese. So lahat ‘yan kontak ‘yan ng Chinese. So na-feel po namin na wala talaga kaming kakampi kundi sila. Kaya po naging ganun 'yung tiwala namin talaga. Naniwala po kami,” sabi ng isang biktima.
Sa halagang P400,000 na hinihingi, P100,000 ang naibigay nila sa kanilang abogado na bayad umano para payagan silang makatakas at makalipat ng tinitirahan.
Gayunman, nagtaka ang mga biktima kung bakit sa kanilang abogado idadaan ang perang ibabayad nila sa sindikato umano.
“Ang pera po is dumadaan po sa isa sa mga staff ng attorney na kinuha namin, which is ‘yun po 'yung medyo nakakapagtaka. Ang pinagdadalhan daw po nila ng pera, ang leader ng sindikato na mayroon silang connection, is nakakulong daw po,” sabi ng kliyente.
Sinubukan ng media na kunan ng panig ang abogado at dalawa nitong staff, ngunit tumanggi sila.
Ayon sa NBI, posibleng ma-disbar o matanggalan ng lisensiya ang kapapasa pa lang na abogadong suspek.— Jamil Santos/FRJ GMA News
