Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office ang dalawang jeep na tila nag-drag racing sa kalsada habang may mga estudyante pa sa bubong sa Naguilian, Isabela.
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang viral video kung saan may sakay pang pasahero ang mga jeep.
Naglabas na ang LTO Region 2 ng show-cause order laban sa may-ari at driver ng dalawang jeep.
Suspendido rin pansamantala ang rehistro ng mga jeepney at ang lisensiya ng mga driver sa loob ng tatlong buwan.
Sa Binangonan, Rizal naman, nahuli-cam din ang pag-swerve ng magkasalubong na jeepney.
Ayon sa LTO Binangonan, agad nilang nahanap at pinatawag ang operator at driver nito.
Ayon sa tsuper ng jeep na nasa harap ng sasakyan, nag-swerve siya para makabalik sa tamang lane, at ang kasalubong na jeep ang nag-counterflow umano.
Gayunman, tiniketan pa rin ang dalawa at pinasusumite ng written explanation. —Jamil Santos/VBL GMA News
