Natagpuan ang isang bangkay ng babae na nakasiksik sa isang maleta na nagpapalutang-lutang sa isang kanal sa Barangay Tanyag, Taguig.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nagulantang ang mga residente nang matuklasan ang bangkay ng babae Biyernes ng umaga.

Sinabi ng barangay na nababalutan pa ito sa itim na plastic bag matapos makita ng isang nangangalakal habang nakasabit sa mga hose ng tubig.

Masangsang ang amoy ng maleta kaya siya agad humingi ng tulong sa barangay para iahon ito sa tubig. Ang mga tanod ng barangay ang nagbukas ng maleta.

“Noong binuksan ko bandang itaas, nakita ko na ‘yung dito sa gilid, umatras ako, sabi ko tao. ‘Yung una kong pagbukas, mga plastic bag kulay itim. Tapos mga kumot, tapos plastic ulit, Tapos binalot pa siya ng sako sa parcel. Tapos nakalagay pa rin doon sa ilalim, plastic ulit. Kaya ang tagal-tagal ko talaga siyang binuksan,” sabi ni Manny Compayan Albor, barangay tanod.

Sinabi ng barangay na hindi pa matuloy kung residente nila ang biktima.

“Araw-araw, nagte-take ako ng blotter book, wala pong reported missing person,” sabi ni Mel Enriquez, Deputy Chief, Barangay Security Force, Barangay Tanyag.

Nananatiling blangko ang pulisya sa pagkakakilanlan ng babae na posibleng nasa edad 35 hanggang 40.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na may tattoo ng three star and a sun ang kanang binti ng biktima. May nakasulat din na “Walter” sa pagitan nito.

Mayroon din siyang tribal tattoo sa braso.

Ayon sa pulisya, posibleng inanod lang patungo sa Barangay Tanyag ang bangkay dahil sa lakas ng ulan Huwebes ng gabi.

Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang istasyon ng pulis para malaman kung mayroong mga nawawalang tao na tumutugma sa deskripsyon ng biktima.

"We sounded the alarm sa other stations natin, sa nearby cities natin or other units, nag-alarm kaagad kami through our operation center," sabi ni Police Colonel Julius Añonuevo, Chief, Taguig City Police Station.

Hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy para matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. —Jamil Santos/VBL GMA News