Inilahad ng Philippine National Police na magka-partner ng negosyante ang lumalabas na mastermind sa pagpatay sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., na lumabas sa imbestigasyon na posibleng dahilan ng krimen ang P8 milyon utang umano at personal na alitan sa pagitan ng biktima at ng mga negosyante.
Patuloy ang imbestigasyon sa krimen, at wala pang impormasyon kung hawak na ng PNP ang dalawa.
Nauna nang iniulat ng PNP na nadakip na nila ang gunman at kasama nito sa pagpatay sa biktima.
Binaril at napatay ng riding in tandem si Lipata sa Barangay 171 madaling araw ng Biyernes, Hulyo 17, 2026. Sugatan din sa pamamaril ang kaniyang live-in partner.
Kilala si Lipata sa kaniyang mga content na may kinalaman sa pulitika at tagasuporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr. –Jamil Santos/FRJ GMA News
