Pumanaw na habang ginagamot sa ospital ang isang guro sa kolehiyo na sinuntok ng isang 19-anyos na lalaki sa Aklan.

Sa ulat ng GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Huwebes, sinabing binawian ng buhay ang biktima nnitong Martes, dalawang araw makaraan siyang suntukin ng suspek sa Barangay Mabilo sa New Washington noong Linggo, Hulyo 26, 2026.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dumalo ang guro sa isang kasiyahan para sa advance celebration ng graduation sa lugar nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek.

Uuwi na sana ang biktima pero sinundan pa rin umano ito ng suspek at doon na nangyari ang panununtok sa guro, na dahilan para isugod siya sa ospital.

Ayon sa pulisya, nauna nang sinampahan ng reklamong frustrated homicide ang inarestong suspek pero binago na ito matapos pumanaw ang biktima. – FRJ GMA News