Super proud ang fans ng P-pop boy group na SB19 na nanood ng kanilang performance sa Rizal Park auditorium sa Maynila nitong Biyernes ng madaling araw.
Ang SB19 ang kauna-unahang homegrown Filipino group na nag-perform sa prestihiyosong Lollapalooza na ginanap sa Chicago.
Mula sa Grant Park, Chicago, naka live simulcast ang performance ng grupo para mapanood ng kanilang fans sa Pilipinas
Kaya kahit madaling araw sa Philippine time, dumagsa pa rin ang mga A'tin fans.
Kabilang na diyan ang 102-year-old na si Lola Julita Odron na galing pa ng Cavite.
Sa kuwento ng kanyang manugang, tatlong taon ng fan ng SB19 si Lola Julita at pangatlong beses niya na rin nanood ng concert ng grupo.
Okay din naman daw sanang manood na lang sa bahay pero iba raw ang pakiramdam kapag kasama nila ang mga kapwa nila A'tin fans.
Si Justin daw ang bias ni Lola Julita.
Ang 46-year-old naman na si Alleine, galing pa ng Qatar at talagang solid fan daw siya ng SB19.
Sa katunayan, lilipad daw siya sa Japan sa August 15 para manood at suportahan ang concert ng grupo.
Si "Shang" naman, 23, alas singko pa lang ng hapon nitong Huwebes ng pumila sa entrance ng Rizal Park.
Masaya daw siya bilang fan at aspiring P-pop artist na nakapag-perform din siya at nai-share ang kanyang talento sa mga kapwa fans ng SB19.
Kahit nagkaroon ng technical problem kanina sa simulcast, happy pa rin ang fans at tinuloy na lang nila ang pagkanta.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), umabot sa 2,000 fans ang nag-register sa kanila para manood ng live simulcast sa Rizal Park
Bawat fan, kinailangang magpakita ng QR code sa gate ng Rizal Park para papasukin ng mga nagbabantay na mga pulis.
Kamakailan lang nang itinalaga ng DOT ang SB19 bilang ambassadors ng sektor ng turismo.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, malaki ang magiging papel ng SB19 para mas mahikayat ang mga turista na bumisita at tangkilikin ang kultura ng bansa.
"Pero ang tourism, hindi lang place eh. Tourism is food, culture. Kanina, pinag-usapan na 'yung pagkain, sinigang, adobo. So we want them to promote the whole thing," sabi ni Angara-Mathay.
Pasado alas-singko na ng umaga nitong Biyernes nang matapos ang watch party.
Maraming fans ang hindi muna umuwi para makapamasyal na rin sa Rizal Park.
Pero bukod sa Rizal Park, nagkaroon din ng live simulcast ng performance ng SB19 sa iba't ibang lugar sa bansa. —KG GMA News
