Ibinasura na umano ng South Korea police ang reklamong underage dating laban sa aktor na si Kim Soo Hyun, na may kaugnay sa mga alegasyon tungkol sa nakaraan nilang relasyon ng yumaong aktres na si Kim Sae Ron.

Ayon sa ulat ng Yonhap News Agency, sinabi ng mga source na ibinasura ng Seoul Seongdong Police Station ang reklamo laban kay Kim Soo Hyun dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ng pamilya ni Kim Sae Ron, na inakusahan ang aktor na nakipagrelasyon umano sa aktres noong siya ay menor de edad pa.

Naging sentro ng kontrobersiya si Kim Soo Hyun dahil sa akusasuon sa kaniya ng YouTube channel na HoverLab Inc. tungkol sa yumaong aktres.

Noong Abril 2025, naghain si Kim Soo Hyun ng kasong sibil laban sa pamilya ni Kim Sae Ron at sa mga operator ng HoverLab.

Mariin din niyang itinanggi ang alegasyong naging nobya niya si Kim Sae Ron noong menor de edad pa ang aktres.

Ayon sa aktor, naging magkarelasyon sila ng yumaong aktres mga anim na taon na ang nakalipas sa loob ng humigit-kumulang isang taon, ngunit hindi na ito menor de edad.

"I did not date the deceased when she was a minor. And it is also not true that the deceased made a tragic choice because of me turning a blind eye," ani Kim Soo Hyun, bilang tugon sa mga alegasyong na bahagi siya sa pagkamatay ng aktres.

Pumanaw si Kim Sae Ron dahil sa suicide noong February 2025, sa edad na 24.

Nakilala ang aktres sa kaniyang mga pagganap sa mga pelikulang "A Brand New Life" at "The Man From Nowhere." Lumabas din siya sa mga seryeng "Hi! School Love On," "Can You Hear My Heart," at "The Queen's Classroom," at marami pang iba.

Samantala, kilala naman si Kim Soo Hyun sa kanyiang mga pinagbidahang serye na "Queen of Tears," "It's Okay to Not Be Okay," at "My Love from the Star." —Carby Rose Basina/FRJ GMA News