Sinabi ni Atty. Manases “Mans” Carpio nitong Biyernes na dapat maresolba ang mga legal na usapin kaugnay ng awtorisasyon sa paglalabas ang mga income tax record nila ng kaniyang asawang si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng wastong proseso ng hukuman, habang patuloy silang sumusunod sa utos ng impeachment court ng Senado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Carpio na iginagalang nila ng kaniyang asawa ang awtoridad ng impeachment court ng Senado at patuloy na susunod sa mga legal na proseso. Ngunit naninindigan sila na nananatili ang mahahalagang tanong -- konstitusyonal at legal -- tungkol sa paglalabas ng kanilang mga tax record.
“According to Carpio, his legal position is that the authorization should be evaluated under the applicable constitutional and statutory framework governing taxpayer information and the exercise of executive authority,” saad sa pahayag.
Sinabi rin ni Carpio na naniniwala ang kaniyang legal team na walang indikasyon na naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng anumang tax assessment o determination ng tax deficiency laban sa kaniya o kay VP Duterte.
Kinuwestiyon din niya kung nasunod ba ang mga procedural requirements at recommendations na kinakailangan sa ilalim ng naaangkop na legal na balangkas bago inilabas ang awtorisasyon para sa paglabas ng mga rekord.
Sinabi ni Carpio na dapat lutasin ang mga isyung ito sa pamamagitan ng wastong proseso ng konstitusyon at hudikatura sa halip na sa pamamagitan ng debate sa publiko.
“The submission of documents to the Senate Impeachment Court is a procedural step. The legal significance, admissibility, and evidentiary value of those documents are matters for the Court to determine in accordance with the Constitution, applicable law, and the Rules of the Senate Impeachment Court,” sabi niya.
Hinimok din niya ang publiko na alamin pagkakaiba ang mga legal na paratang, mga proseso, at factual findings, at sinabing layon ang mga paglilitis sa konstitusyon na lutasin ang mga pinagtatalunang isyu sa pamamagitan ng mga ebidensiyang iniharap sa tamang lugar.
Idinagdag ni Carpio na patuloy ang kaniyang legal team na susundin ang lahat ng posibleng legal na paraan habang nirerespeto ang awtoridad at kalayaan ng mga institusyong sangkot.
Nauna nang naglabas ang impeachment court ng Senado ng mga subpoena para sa mga tax record at bangko ni Duterte at kaniyang mister.
Pormal na isinumite ng BIR nitong Huwebes sa impeachment court ng Senado ang nasabing mga tax record nina Duterte.
Kinumpirma ng Malacañang nitong Huwebes na nagbigay ng pahintulot si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa BIR na buksan ang mga tax record nina Duterte at Carpio upang malaman ang katotohanan tungkol sa alegasyon ng tagong-yaman.
Pormal na natanggap ng impeachment court ng Senado ang mga financial at tax records ng dalawa.-- Sherylin Untalan/Jamil Santos/FRJ GMA News

