Isang lalaki ang pinagtataga ang isang 10-anyos na bata at tiyahin nito matapos siyang ipakulong umano noon ng pamilya ng mga biktima sa Barangay Malanday, Marikina. Ang suspek, tumakas sa pamamagitan ng paglangoy sa Marikina River.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang CCTV camera ng sigawan at pagkakagulo ng mga residente sa nasabing barangay dakong 8 p.m. nitong Miyerkoles.
Makikita ang suspek na may hawak na itak ang nadapa sa kalsada. Kalaunan, binato siya ng upuan ng isang residente, na kaniyang hinabol dala-dala pa rin ang itak.
Bago nito, tinaga na pala ng lalaki ang batang lalaki at kaniyang tiyahin.
Matinding sugat sa ulo ang tinamo ng bata habang tinamaan naman sa ulo at daliri ang tiyahin na tinangkang salagin ang pag-atake ng suspek.
Huwebes ng gabi nang mamataan ng mga tauhan ng barangay at ilang residente ang suspek sa Marikina River.
Hinabol ang suspek pero tumalon umano sa ilog.
“Tinambayan namin 'yung sa may tabi ng jogging lane, sa may creek. Nu’ng makatunog na 'yung suspek na nandu'n kami at nakaabang na kami sa kaniya, bigla siyang lumitaw, pero may dala pa rin siyang itak. Bumalik siya ng ilog, nagpa-agos-agos siya hanggang makarating kami sa doon na sa Calumpang,” sabi ni Darwin Astillero, Executive Officer ng Barangay Malanday, Marikina.
Hanggang sa makorner ang lalaki sa pampang ng ilog na sakop ng Barangay Tanyong.
Dinala ang suspek sa Marikina City Police Station para maproseso at mabigyan ng paunang lunas matapos pagbabatuhin ng mga residente.
Isinalaysay ng suspek sa pulisya na nagawa niya ang pananaga para maghiganti sa pamilya na nagpakulong sa kaniya dati.
“So natanong po natin bakit niya po ginawa ‘yun at in-admit naman po niya nu’ng talagang tinaga niya sila dahil ‘yan ay lagi daw kasi siyang pinapakulong nitong ating dalawang biktima. Pati ba 'yung 10-year-old na bata na walang kasalanan sa iyo, walang kamuwang-muwang ay pinagtataga mo. Sabi niya kasi, tinulungan niya kasi 'yung unang biktima daw, kumbaga nandu'n din siya so sinama na rin,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, Chief ng Marikina City Police.
“Wala po kaming reason kung bakit niya 'yung ginawa. Kasi unang una po, 'yung family ko po sa Malanday, last year, pinasok niya po 'yung bahay with a CCTV camera na kinuha niya po 'yung cellphone ng pamangkin ko at napakulong po siya ng kapatid ko,” sabi ni Kay Dela Cruz, kaanak ng mga biktima.
“So dahil kamag-anak namin 'yung biktima, siguro wala na siyang ibang reason na siya na lang. Doon na lang niya inano 'yung galit niya,” dagdag ni Dela Cruz.
Gumagamit umano ng ilegal na gamot ang suspek, ayon sa pulisya.
“Na-involve po siya sa ilegal na droga at sinasabi naman po niya na nakakagamit siya,” sabi ni Tecson.
Sinusubukan pa ng GMA News na hingian ng pahayag ang suspek, na nakakulong na sa Marikina City Police Custodial Facility.
Mahaharap ang suspek sa dalawang counts ng frustrated murder.—Jamil Santos/FRJ GMA News
