Pansamantalang makakalaya si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos siyang payagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sa kinakaharap na kasong malversation tungkol sa umano'y "ghost" flood control projects sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga ng P92.8 milyon.
Kinumpirma naman ni Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Third Division ng Sandiganbayan, ngayong Biyernes ang naturang desisyon ng anti-graft court.
Dahil dito, pansamantalang makalalaya si Revilla habang dinidinig ang kaniyang kaso.
Gayunman, tinanggihan ng anti-graft court ang hiling na bail petitions ng mga kapuwa akusado ni Revilla na sina:
- Engr. Brice Hernandez
- Engr. Jaypee Mendoza
- Engr. Arjay Domasig
- Engr. Emelita Juat
- DPWH Bulacan First District Engineering Office finance section chief Juanito Mendoza; at
- DPWH Bulacan First District Engineering Office cashier Christina Pineda
Ayon sa mga piskal ng Ombudsman, idineklara umano ni Revilla at ng anim na kapwa niya akusado—na pawang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan—na tapos na ang proyekto kahit wala namang aktuwal na konstruksyon na naisagawa.
Dagdag pa ng Ombudsman, pineke umano ng mga akusado ang mga accomplishment report, gumawa ng mapanlinlang na mga dokumento sa pagsingil (billing documents), at inendorso ang mga disbursement voucher upang mapadali ang pagpapalabas ng buong halaga para sa proyekto.
Nagkakahalaga ng P1 milyon ang piyansa para sa kasong malversation ni Revilla. Nauna na siyang pinayagan na makapagpiyansa ng P90,000 ng Sandiganbayan Fourth Division kaugnay sa hiwalay na kasong kinakaharap nito na graft o katiwalian.
Dati nang itinanggi ni Revilla ang mga alegasyon sa kaniya, at kasalukuyan siyang nakadetine sa New Quezon City Jail sa Payatas. –FRJ GMA News

