Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na sumuko na sa mga awtoridad ang ikatlong suspek sa pagpatay sa pro-BBM vlogger na si Alicia "Mima Alicia" Lipata. Samantala, tatlo pang suspek ang tinutugis, kabilang ang mga umano'y utak sa krimen na babae ang isa.
Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ng mga awtoridad na kusang-loob na sumuko ang ikatlong suspek na kinilala lamang sa alyas na "A.F.", noong Hulyo 24 sa Mabalacat City Police Station sa Pampanga.
"This third suspect, the middleman, surrendered. Actually, he was not arrested. He voluntarily surrendered to the Mabalacat Police Station and was endorsed to the CIDG (Criminal Investigation and Detection Group)," ayon kay Northern Police District (NPD) director Brig. Gen. Benliner Capili.
Ayon sa pulisya, ang sumukong suspek ang nakipag-ugnayan umano sa utak sa krimen, at kumuha sa gunman, na nauna nang naaresto, kasama ang isa pang suspek na nagsilbing driver.
Ang tatlo pang hinahanap na suspek ay ang dalawang utak umano sa krimen na babae ang isa, at isa pang middleman.
Sinampahan na sila ng reklamong murder at frustrated murder.
May hiwalay pang kaso ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at possession of explosives have, isinampa laban sa gunman at driver.
Sa hiwalay na ulat ni Jun Veneracion sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing P250,000 ang paunang bayad na ibinigay sa mga suspek upang itumba si Lipata.
Lumalabas din na sangkot umano sa iba pang krimen ang gunman at driver batay sa isinagawang pagsusuri sa baril na nakuha mula sa kanila.
Binaril at napatay si Lipata sa labas ng kaniyang bahay sa Caloocan City noong July 17. Sugatan din ang kaniyang live-in partner.
Kilala si Lipata sa kaniyang mga komento sa pulitika at tagasuporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.— FRJ GMA News
