Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya sa pagmamaneho ng driver ng pickup truck na nakadisgrasya sa batang naliligo sa ulan sa parking lot ng isang simbahan sa Quezon City noong Sabado.
Sa inilabas na pahayag ng LTO na makikita sa kanilang Facebook page, sinabing pinadalhan ng Show Cause Order (SCO) ang rehistradong may-ari ng sasakyan at itinalagang driver nito. Inilagay din sa "alarma" ang pickup truck para hindi magamit.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang bata na naglalaro at dumapa sa naipong tubig-ulan sa parking lot. Dumating ang pickup truck at nakaladkad nito ang bata sa ilalim.
Bagaman tinulungan ng driver ang bata na makatayo at inilagay sa gilid, hindi niya ito dinala sa pagamutan at iniwan na lang.
Nagtamo ng mga galos sa katawan ang biktima.
“Dahil dito, pinahaharap ng LTO ang rehistradong may-ari at itinalagang driver sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa Agosto 10, 2026, at inaatasang magsumite ng beripikado o sinumpaang paliwanag, kalakip ang mga dokumentong magpapatunay sa kanilang mga pahayag, kung bakit hindi sila dapat managot sa mga posibleng paglabag sa Republic Act No. 4136, kabilang ang Reckless Driving, Failure to Perform the Duty of a Driver in Case of Accident, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle,” sa pahayag ng LTO.
Ayon din sa LTO, ang mga nabanggit na paglabag ay maaaring magresulta sa pagsuspinde o pagbawi sa driver's license ng nagmamaneho.
"Ang bawat motorista ay may pananagutang unahin ang kaligtasan ng kapwa at kumilos nang naaayon sa batas, lalo na kapag may nangyaring aksidente. Hindi maaaring balewalain ang tungkuling ito. Titiyakin ng LTO na ang sinumang mapatutunayang lumabag ay mananagot sa ilalim ng batas," ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao. – FRJ GMA News
