Magpapahinga muna si Ariana Grande kapag natapos na ang kaniyang "Eternal Sunshine" tour sa London sa darating na Setyembre 1.

Kinumpirma ng kinatawan ng "Wicked" star ang balita sa isang pahayag na ipinadala sa People.

“She looks forward to finishing the tour and ending it on a high note, both healthily and happily, and then taking a much-deserved break from public-facing work and appearances, which has led to endless, ongoing public scrutiny,” saad sa pahayag.

Umatras din si Ariana sa produksiyon ng "Sunday in the Park with George" sa West End, na nakatakda sana siyang gumanap kasama si Jonathan Bailey.

Pinag-usapan ng netizens sa social media ang kalusugan at kapakanan ng pop star, lalo na nang ilabas ang music video sa kanta niyang "Petal" noong huling bahagi ng Hulyo, na nagdulot ng pag-aalala sa ilan niyang tagahanga nang may napansin sa kaniyang pangangatawan.

Sa comment section ng teaser ng music video ng "Petal" sa kaniyang Instagram, may ilang tagahanga ang nagpahayag ng pag-aalala sa kaniyang kalusugan at nagpaabot ng mensahe para sa kaniyang paggaling.

“I truly hope she finds the peace she is looking for and to cope in healthier ways,” saad ng Instagram user na si @bloodlustelf commented. “I love her music but it hurts to see her like this.”

Inilabas ni Ariana ang kaniyang ikawalong studio album na "Petal" noong Hulyo 31, na kinabibilangan ng single na "Hate That I Made You Love Me."

Bago ang paglabas ng "Petal," nagpahinga muna siya sa paggawa ng musika upang gampanan ang karakter ni Glinda sa mga musical film na "Wicked" at "Wicked: For Good." Tiniyak naman niya sa kaniyang fans na hindi niya tatalikuran ang musika.

Nakatakda ring mapanood si Ariana sa pelikulang "Focker-in-Law," na inaasahang ipapalabas sa Nobyembre. Kasama niya rito ang mga big star na sina Robert De Niro, Ben Stiller, Dustin Hoffman, Barbra Streisand, at iba pa. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News