Arestado ang isang 33-anyos na lalaki dahil sa paghalay umano sa isang 15-anyos na lalaki sa loob ng isang internet café sa Agdao District, Davao City.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nagtungo ang biktima sa internet café na pag-aari ng suspek para maglaro ng computer games.
Dahil walang ibang tao sa shop, sinamantala umano ito ng suspek at hinawakan sa maselang bahagi ng katawan ang menor de edad na lalaki.
Sapilitan pa umanong dinala ng suspek ang biktima sa isang kuwarto at doon naganap ang panghahalay.
Matapos ang insidente, umuwi ang biktima at nagsumbong sa kaniyang lola, na ipinaalam naman sa ina ng menor de edad ang nangyari.
Hindi na nakapagpigil sa galit ang ina nang biktima nang arestuhin ng mga pulis ang suspek sa computer shop matapos silang magsumbong sa awtoridad.
Ayon sa ginang, sinabi sa kaniya ng anak na wala na siyang manggawa nang sandaling inaabuso siya kaya hinayaan na lang niya ang suspek upang matapos na at makaalis na siya para makapagsumbong.
Desidido rin ang ina na kasuhan ang suspek upang maipakulong nang habambuhay.
Nakadetine naman ang suspek na mahaharap sa reklamong rape. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. -- FRJ GMA News
