Inihayag ng dating sexy actress na si Maui Taylor na mas tumatatak sa isipin ng kaniyang mga anak ang mga role niya bilang kontrabida.
Sa nakaraang guesting niya sa “Your Honor!,” tinanong ng host na si Chariz Solomon si Maui kung ano ang reaksyon ng kaniyang mga anak na pawang lalaki tungkol sa kaniyang trabaho.
Ayon kay Maui, bagaman batid ng mga anak niya ang kaniyang trabaho, pero mas tumatak sa mga bata ang mga role niyang kontrabida kaysa ginawa niyang mga sexy project noon.
“Actually, alam mo, I don't think they have... No, they have an idea, but they don't know exactly what it is or what it was. Kasi ang tumatak sa mga kids ko ngayon is 'yung pagiging kontrabida ko sa ‘Lolong.’ Pagiging kontrabida ko sa ‘Wish Ko Lang!’ sa ‘Tadhana,’ na nakikita kasi nila eh,” paliwanag niya.
Ipinagtataka raw ng kaniyang mga anak kung bakit lagi siyang gumaganao na kontrabida.
Gayunman, inaasahan na ni Maui na malalaman din ng mga anak niya kalaunan ang kaniyang pagiging sexy star noon.
“Kaya ang tanong nila sa akin palagi is, “Why do you always have to be the villain?’... Siguro may magsasabi na classmate, ‘no? For sure. Lalo na ito ngayon, mag-13 na 'yung panganay ko,” ani Maui.
Biro naman ni Chariz, “O ‘yung mga tatay ng classmate.”
“Oo, meron yan! Meron yan!” Pinatangkad ko 'yung mga ‘yun,” hirit na biro naman ni Maui.
Sa naturang show, ibinahagi rin ni Maui na naunawaan niya ang pagiging mahigpit sa kaniya noon ng kaniyang ina nang magkaroon na siya ng sarili niyang anak.
Ayon sa aktres, inirereklamo niya noon ang sobrang higpit sa pagbabantay sa kaniya ng ina kapag may proyekto siya.
“Ganiyan ako noon. Umiiyak ako. Sabi ko, ‘Ano ba ‘to?’ Sabi ko, itong mommy ko, palaging nakabuntot sa akin. Hindi ko maintindihan siyempre noong bata ako because ang palagi kong iniisip is, ‘Give me the freedom, give me the freedom, give me the freedom to do things on my own. ‘Yung wala ka sa set, hindi kita kasama,’” pagbahagi niya.
Kalaunan, napagtanto ni Maui ang mga kabutihang idinulot ng pagbabantay sa kaniya ng ina nang magkaroon na rin siya ng anak.
“Pero, alam mo ‘yun, ito na lang, 'yung nagka-anak na ako, doon ko na na-appreciate na parang, ah, kung hindi ako binantayan, malamang maaga akong nabuntis or what not. Baka may nangyari,” sabi niya.
“Parang ngayon ko lang talaga nari-realize na, ‘Ah, okay, naiintindihan ko,’” dagdag niya. – FRJ GMA News
