Umabante si Alexandra "Alex" Eala sa ikatlong round ng Canadian Open matapos talunin si Alycia Parks, 6-1, 4-6, 6-2, sa kanilang laban na Round of 64 nitong Miyerkules (Huwebes sa Pilipinas).

Nakaisang puntos lang ang Amerikanang si Parks sa unang set na dinomina ni Eala. Ngunit nakabawi si Parks sa ikalawang set matapos magpalitan ng panalo sa mga laro ang dalawa, at maitulak niya ang laro sa deciding third set.

Sa ikatlong set, mabilis na nakontrol muli ni Eala ang laban at umabante sa 2-0 na kalamangan. Nakabawi naman si Parks upang maitabla ang iskor sa 2-2. Ngunit ang sandaling kaba, napawi nang sunod-sunod na maipanalo ni Eala ang apat na laro, at tuluyang maselyuhan ang kaniyang tagumpay.

Dahil dito, tuloy-tuloy pa rin ang kahanga-hangang kampanya ni Eala matapos siyang maging kampeon sa DC Open nitong nakaraang Lunes (Martes sa Pilipinas).

"Kumusta tayo ngayon, Toronto? Iwagayway n'yo nga ang mga bandila n'yo," masayang sabi ni Eala sa mga nanood ng kanilang laban ni Parks, habang kinakapanayam siya.

"There are so many Filipinos in the crowd tonight, so many flags, thank you!," dagdag niya.

Pinasalamatan ni Eala ang mga nanood sa laro at mga sumusuporta sa kaniya.

"I am eternally grateful. I just came off Washington so I feel that this is a celebration. Kababayan, linggo-linggo ko kayong nakikita, sinusuportahan ako. Linggo-linggo ko nakikita gaano n'yo kamahal ang kapwa n'yo Pinoy kaya proud na proud ako maging Pinoy," patuloy niya.

Sa kaniyang panalo, nakabawi rin si Eala sa pagkatalo niya kay Parks sa unang round ng Australian Open noong unang bahagi ng 2026.

Makakaharap ni Eala sa ikatlong round ng Canadian Open si Caty McNally ng Amerika.

Sa Biyernes, sasabak muna si Eala sa doubles tournament ng torneo kasama ang beteranang si Venus Williams.—FRJ GMA News