Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos siyang pumasok sa isang bahay, magnakaw umano ng cellphone at molestiyahin pa umano ang isang 8-anyos na babae sa loob nito sa Pasig.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dinakip ang lalaki ng mga awtoridad sa Barangay Pinagbuhatan.

Sinabi ng barangay na gabi ng Miyerkoles nang pumasok ang suspek sa bahay ng menor de edad na biktima.

“Meron po isang batang babae roon na nilapitan niya so hinawakan niya sa mga maseselang bahagi ng katawan. ’Yung bata po, pilit na nagpupumiglas,” sabi ni Arcie Lucas, kagawad ng Barangay Pinagbuhatan.

Matapos nito, nagsisigaw ang bata at nagsumbong sa ina nito. Tumakas naman ang suspek tangay ang isang cellphone.

Nagreklamo kinabukasan sa barangay ang ina ng biktima matapos ma-review ang CCTV sa bahay.

“Since na meron pong CCTV doon sa loob ng bahay, nakilala ng mga residente ’yung ninakawan ng suspek. Pagdating du’n po sa bahay, natiyempuhan na nandu’n at mabilis naman po na huli ng mga kapulisan natin,” sabi ni Lucas.

Nabawi ang ninakaw na cellphone mula sa suspek, na nahulihan pa ng isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,040.

Nakabilanggo na sa Pasig City Police Custodial Facility ang suspek, na mahaharap sa mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Acts of Lasciviousness, at theft.

Sinusubukan pa ng GMA News na hingian siya ng pahayag.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng batang biktima.

“Siguruhin na laging nakasara, secure ang ating mga pinto para hindi makapasok kung sino ’yung mga hindi dapat pumasok at ipag-ingatan din po natin sila dahil sa ganu’ng pagkakataon maaaring masamantala,” paalala ni Lucas sa mga magulang at guardian. — Jamil Santos/RSJ GMA News