Nabawi ang walong motorsiklo matapos itong isangla sa rentangay modus sa Camiguin. Ang apat na babaeng nagrenta nito, pinaghahanap.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing natagpuan ang mga nirentangay na motorsiklo kamakailan lang sa isang residential property na pinuntahan ng PNP Highway Patrol Group, kasama ang mga may-ari nito.
Humarap sa pulisya ang may-ari ng bahay at ipinaliwanag na isinangla lang umano sa kaniya ang mga motorsiklo, ngunit hindi niya alam na nakaw ang mga ito.
Agad namang isinuko ng may-ari ng bahay ang mga motorsiklo sa pulisya.Sinabi ng PNP-HPG na pinasok ng sindikato ang Camiguin dahil alam nilang mataas ang demand ng motorsiklo sa lugar.
Batay sa isa sa mga natangayan ng motorsiklo, magaling bumoka ang suspek na nakausap niya.
“Ang sabi po nila, may kamag-anak sila galing abroad, tapos magto-tour dito sa Camiguin… iyong sabi po nila is one week lang daw,” sabi ng biktimang si Madel Guillen.
Ngunit sa halip na gamitin ang motorsiklo, isinangla lamang ito ng mga suspek, ayon sa biktima.
Handa namang makipagtulungan ang asosasyon ng mga nagpaparenta ng motorsiklo sa probinsya.
"Ang talagang naapektuhan dito ay iyong may-ari ng motorsiklo. Kasi iyon lang ang hanapbuhay namin… kawawa iyong nagnenegosyo nang mabuti, sir. Ginaganyan lang nila," sabi ni Babylyn Scott, Camiguin Tourism Motor Rental Association Officer.
Nananatiling at large ang apat na babaeng nasa likod ng rentangay, na kinasuhan at pina-subpoena na.
Iniimbestigahan naman ang pinagsanglaan kung ano ang puwedeng maging pananagutan."Meron pong criminal liability kung sino man po ang magbebenta nang galing sa nakaw. Ito po ang Anti-Fencing Law. Pero kung ito naman po ay isinangla mo at nirenta mo lang, ito po ay estafa. Sa mga financier natin ay puwede rin po silang makasuhan doon dahil sa pagtanggap po nila ng mga galing sa hindi tamang pamamaraan,” sabi ni Police Brigadier General Rommel Batangan, Director ng HPG,
“Ugaliin po nating suriin ’yung nagbebenta, kung sila po ba ay legitimate o legal owners ng unit na ibinebenta niya para hindi po tayo mabiktima," dagdag ni Batangan. —Jamil Santos/ VAL GMA News
