Nakansela ang pasok sa Dumangas National High School sa Iloilo nitong Miyerkoles, August 5, 2026, dahil umano sa post ng pagbabanta na may mamamatay. Pero ang banta, hindi galing sa estudyante kung hindi sa isang guro, na ang hinihinalang pinag-ugatan -- pagkain na “pastil.”

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Huwebes, sinabing inamin ng guro ang kaniyang ginawang pagbabanta nang kausapin siya ng kinatawan ng Schools Division Office ng Department of Education (DepEd) sa Iloilo.

Nag-post umano ang guro sa social media na may isang punong-guro, assistant principal, at isang guro na mamamatay ngayong Agosto.

Humingi rin ng paumanhin ang guro sa kaniyang ginawa.

“Inamin naman ng teacher na na-post niya yung mga items sa social media and he also asked for apology sa Schools Division Office, at the same time, sa school rin, of course, sa disruption,” sabi ni Leonil Salvilla, spokesperson ng School Division Office sa Iloilo.

Binigyan ang guro ng 72 oras upang pormal na ipaliwanag kung bakit siya nagbanta. Samantala, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng alitan niya sa pamunuan ng paaralan bilang ugat ng insidente.

Tatlong estudyante ang nagsabi sa GMA Regional TV Ratsada Balita na umano'y nagalit ang guro dahil nagbebenta sila ng chicken pastil sa loob ng paaralan.

Pastil is a dish from Mindanao, which is made of steamed rice topped with shredded meat and wrapped in banana leaf.

Isang pagkaing mula sa Mindanao ang pastil na kanin na nilagyan ng hinimay na karne at binalot sa dahon ng saging.

Ayon sa ulat, nagbebenta rin umano ng pastil ang guro sa kantina ng paaralan.

Sinabi ng mga estudyante na napilitan silang magbenta upang kumita at makatulong sa gastusin ng kanilang pamilya at sa kanilang pag-aaral.

“Merong bumili sa amin sa guro. Maya-maya pa, sinabi niyang may nagtitinda umano ng pastil kaya hinabol kami agad ni sir,” sabi ng isang estudyante.

“Kami na lang ng nakababata kong kapatid ang naiwan. Nais kong makapagtapos, makatrabaho, mapagtapos ko ang nakababata kong kapatid sa pag-aaral,” dagdag ng isa pang estudyante.

“Ang parents ko nagsasaka lang sila. Batid kong hindi nila ma-provide ang kailangan ko sa aking pag-aaral ngunit nagsa-strive ako na magtinda para hindi na sila mahirapan,” paliwanag ng ikatlong mag-aaral.

Ayon sa Schools Division Office, pinapayagan ang mga guro at maging ang mga hindi empleyado ng paaralan na magbenta sa kantina, basta't sumusunod sila sa mga alituntunin sa food safety at tamang food handling.

“That’s one thing that we are also checking at bini-verify pa natin definitely. Isa yan sa tututukan ng Schools Division upang ma-correct rin natin if there are, siguro, may mga konting dapat i-improve in terms of implementation ng policies,” ani Salvilla. – FRJ GMA News