Nilinaw ni Nicolas Torre III, General Manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nitong Biyernes na wala siyang inaanunsyo na nagpaplano siyang tumakbong alkalde sa Davao City, o para sa ano pa mang ibang posisyon sa 2028 elections.

Ginawa ito ni Torre matapos ang pahayag ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na maaari siyang maghain ng kaniyang certificate of candidacy kung nais niyang tumakbo bilang alkalde ng Davao City.

“Para malinaw: wala akong sinabing tatakbo akong Mayor ng Davao. At wala rin akong inanunsyong pagtakbo sa anumang local o national position,” sabi ni Torre sa isang Facebook post.

“Kaya huwag muna nating pangunahan ang kuwento. Marami pa tayong trabaho. Sa ngayon, trabaho muna. Ang serbisyo, hindi naman kailangang hintayin ang eleksyon,” dagdag niya.

Sa isang panayam sa Davao City kamakailan, hiningan ng komento si Duterte tungkol sa mga usap-usapan na tatakbong alkalde si Torre sa balwarte ng kaniyang pamilya.

Bilang tugon, sinabi ni Duterte na pinapayagan at malugod na tinatanggap ang lahat na maghain ng kanilang certificate of candidacy at tumakbo sa halalan sa isang demokratikong bansa.

Kumalat na ang mga post noon sa social media na nagpapakita ng isang tarpaulin na may larawan ng mukha ni Torre at may nakasulat na, “Ingat sa daan!”

Ang kapatid ni Duterte na si Baste ang kasalukuyang alkalde sa lungsod. Dati na ring mayor sa Davao City ang bise presidente at ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Torre ay dating naging pinuno ng Police Regional Office 11 (Davao Region), at nanguna sa paghanap at pagdakip kay Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City, para ihain ang warrant of arrest kaugnay sa mga kinakaharap na kasong child and sexual abuse noong 2024.

Kalaunan, itinalaga si Torre bilang pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng Philippine National Police, at pinangunahan naman ang paghahain ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Rodrigo Duterte.

Kinalaunan, naging ika-31 hepe siya ng PNP noong Hunyo 2025 at naglingkod nang humigit-kumulang dalawang buwan at tatlong linggo.

Ayon kay Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., inalis sa puwesto si Torre dahil sa pagtutol niya, “with the directives that were coming out of NAPOLCOM (National Police Commission).”

Matapos ang kaniyang pagsisilbi sa PNP, itinalaga si Torre sa MMDA. – Jamil Santos/FRJ GMA News