Umabot na sa siyam na tao ang mga nasawi sa nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Thailand noong Biyernes. Ayon sa pulisya, pumanaw na rin ang isang 12-anyos na babae dahil sa tinamo nitong tama ng bala.

Sinabi sa Reuter ng mga pulis sa Plai Bang Police Station sa Nonthaburi na namatay ang batang babae noong Sabado, isang araw matapos barilin ng isang 14-anyos na lalaki ang kaniyang mga lolo at lola.

Makaraang barilin ng binatilyo ang kaniyang lolo at lola, nagtungo siya sa paaralan at doon naman namaril, at pagkaraan ay nagbaril sa sarili.

Napag-alaman din ng pulisya na minsan nang nakumpiskahan ng isang airgun ng isang guro noong nakaraang taon ang binatilyo, at nanood din umano ito ng marahas na content online.

Natuto rin umano ang binatilyo na gumamit ng baril sa pamamagitan ng mga nakita sa social media.

"According to witness interviews, the perpetrator had begun showing interest in studying the use of firearms for some time, about one to two years," ayon kay Atthapol Anusit, deputy commissioner ng Provincial Police Region 1.

Sinabi pa ni Atthapol, na may nakita ring kutsilyo sa bag ng binatilyo. Kabilang naman sa iba pang ebidensiyang nakuha sa mga pinangyarihan ng krimen ang isang baril, mga basyo ng bala, at isang computer computer.

"After examining the PC, it was found that the child had watched social media content involving violence," saad ng opisyal pero wala umanong katibayan kung nagsanay sa pagbaril ang binatilyo,

Noong nakaraang taon, nakumpiska umano ng isang guro mula sa binatilyo ang isang BB airgun.

Labindalawang taon nang nakatira ang binatilyo sa kaniyang mga lolo at lola matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang, ayon kay Atthapol.

Sinabi ng Ministry of Education na bubuo ito ng mga bagong safety protocol sa loob ng susunod na tatlong buwan.

Kabilang dito ang mental health screening at isang sistema para mai-refer sa mga espesyalista ang mga taong itinuturing na nasa panganib, magsasagawa ng mga drill para sa emergency response plans, kampanya laban sa bullying, at mas mahusay na pagtukoy at pagpigil sa pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay sa mga paaralan.

Bukod sa mga nasawi, mahigit 20 katao rin ang nasugatan sa pinakamatinding mass shooting sa Thailand mula noong 2022. Dahil sa insidente, muling uminit ang debate tungkol sa pagkontrol sa mga baril sa Southeast Asia, kung saan kabilang ang Thailand sa mga bansang may pinakamaraming nagmamay-ari ng baril. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News