Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi, walo ang nawawala, at 11 iba pa ang sugatan dahil sa malakas na mga pag-ulan at pagbaha na dulot ng Habagat na patuloy na nakaaapekto sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes.

Ayon kay OCD spokesperson Junie Castillo, naitala ang naturang mga bilang hanggang nitong 11:00 am. Gayunman, sasailalim pa sa beripikasyon ng Management of the Dead and Missing cluster ng ahensiya ang mga iniulat na nasawi.

Ang mga nasawi ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Calabarzon, ayon kay Castillo sa isang panayam GTV News Balitanghali.

Ang walong nawawala naman ay iniulat sa CAR, Ilocos Region, at Batangas. Mayroon namang 11 katao ang naiulat na nasugatan dahil sa epekto ng masamang panahon.

Una rito, inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na apat katao ang kumpirmadong namatay habang anim pa ang nawawala matapos matabunan ng landslide ang tatlong bahay sa Barangay Guisad Surong.

Sinabi ni Castillo na kabilang ang Central Luzon at Ilocos Region sa mga lugar na may pinakamataas na bilang ng mga residenteng naapektuhan ng masamang panahon batay sa mga paunang ulat. Kabilang din sa mga apektadong lugar ang Mimaropa, Calabarzon, at CAR.

Sinabi ni Castillo na nananatiling nakaantabay ang mga ahensyang tumutugon sa kalamidad habang patuloy na nakaaapekto ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Nakapuwesto na ang mga search-and-rescue at retrieval team, kasama ang mga tauhang nagsasagawa ng clearing operations para alisin ang mga debris.

Nakaantabay din ang logistics at air assets ng OCD, kabilang ang mga mula sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Navy. Handa ring i-deploy ang mga resources mula sa Department of Social Welfare and Development at mga emergency telecommunications team.

Nakahanda rin umano ang mga pagkain at non-food items na ipamamahagi depende sa pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan, ayon kay Castillo.

Hinikayat ng opisyal ang mga mangangailangan ng tulong na tumawag sa Unified 911.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang Southwest Monsoon o Habagat sa pagdadala ng ulan sa Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas ngayong Lunes.— FRJ GMA News