Natusok ang hita ng isang electrician sa bakal na bakod matapos siyang mahulog habang nagkakabit ng bombilya sa isang poste sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Huwebes, lumabas sa ilang kuha ng Lapu-Lapu City Fire District na tumusok ang bakal sa kanang hita ng biktima.
Ayon sa kapitan ng Barangay Pajac, nahulog ang electrician sa bakod habang nagkakabit ng bombilya sa isang poste.
Gumamit ang mga rescuer ng hydraulic cutter para maialis sa bakod ang biktima.
Nilapatan siya ng paunang lunas habang nire-rescue at dinala sa ospital matapos siyang maibaba.
Sasagutin ng barangay at Lapu-Lapu City Government ang pagpapaospital sa electrician. —Jamil Santos/ VAL GMA News
