Kinaaaliwan sa social media ang mga nakatutuwang “imbensiyon” ng isang lalaki na katulad ng anti-corruption chair para sa mga politiko, at toilet vendo na hinuhulugan ng barya pero steel brush ang pamunas sa halip na tissue. Sino nga ba ang social media personality sa likod nito, at ano ang kuwento ng kaniyang buhay? Kilalanin natin siya.

Sa nakaraang episode ng “Good News!” ipinakilala si Robert Salvado, taga-Bansalan, Davao del Sur, na kilala rin bilang si “Electronics kalokohan” o Electroloko, sa social media.

Bukod sa anti-corruption upuan at toilet vendo, nag-imbento rin si Robert ng tsinelas na bato at tsinelas na bakal para hindi tangayin at masira ng alagang aso.

Gumawa rin si Robert ng kutsara na may built-in electric fan para mapalamig ang mainit na kape.

Paglilinaw naman niya, hindi niya talaga ibinebenta ang kaniyang mga imbensiyon kundi “forda” content lamang sa social media.

“Puro man kalokohan ‘yung mga pinaggagawa ko na mga content, pero sobrang pinaghirapan ko rin. Kasi kung wala akong knowledge sa electronics, hindi ko rin ‘yan magagawa. Kaysa malungkot tayo, mas mabuti pang sumaya at magpasaya ng mga tao,” sabi ni Robert.

Isang electrician si Robert, at bata pa lang ay hilig na talaga niyang magbutingting ng mga bagay.

“Makakita ako ng sirang mga bagay, dinadala ko sa bahay, parang ginawa ko mag-experiment-experiment,” sabi niya.

Kung minsan, naibebenta pa niya ang mga naayos nang gamit gaya ng flashlight, lighter at radyong sira.

Ibinahagi rin ni Robert ang mga hugot niya sa buhay.

“Siyam po kami na magkapatid, ang mama at papa ko, farmers po sila. Lalakad sila, nagbebenta sa bahay-bahay, nagbebenta ng gulay para ma-survive namin, para may makain kami,” kuwento niya.

Madalas din daw siyang ma-bully noon sa paaralan.

“Grade 1 ako, first day of school, tinulak ako ng magiging kaklase ko doon sa kanal na may putik. Basang-basa 'yung uniform ko, tapos tinatawanan ako nila. Kaya doon parang nawalan ako ng gana na mag-aral kasi parang puro na lang bully,” aniya.

Matapos ang grade 7, mas pinili na lang ni Robert na huminto sa pag-aaral at magtrabaho na lang. Namasukan siya bilang boy at tagabunot ng damo sa isang farm.

Sumasideline din si Robert sa pagbebenta ng gulay.

Kalaunan, nakitaan siya ng kaniyang amo ng potensiyal kaya nagmagandang loob ito na pag-aralin siya ng vocational course.

Taong 2016, nakamit ni Robert ang pinapangarap na diploma sa Consumer Electronics Servicing at Computer System Servicing. Nag-umpisa na siyang mag-repair ng mga TV, amplifier, electronic appliances, at kumikita ng P300 hanggang higit P1,000.

Nakaranas din ng heart break si Robert nang maghiwalay sila ng kaniyang nobya noong 2022 matapos ang limang taong pagsasama.

“Naramdaman ko lang ba na wala na talaga akong lugar sa kaniya kaya inisip ko na pagbibigyan ko na lang siya, magpapakalayo na lang ako,” sabi niya.

Sa pag-move on, itinuon na lang ni Robert ang atensyon sa pagtatrabaho at pag-vlog.

“At doon, nagsimula ako sa vlogging dahil doon sa stress at pressure ko doon sa breakup na nangyari sa akin. Imbes nasirain ko 'yung sarili ko, paano kung ang gagawin ko mas mabuti na ayusin ko na lang,” kuwento niya.

Mula sa paggawa ng online tutorials, naging patok ang kaniyang mga kalokohang imbensyon sa mga follower.

Kumikita na ngayon ang kaniyang mga vlog, ng mula P12,000 hanggang P50,000 sa isang buwan.

Dahil dito, nakapagpundar na siya ng sariling motorsiklo, at unti-unti nang nakakapagpatayo ng pinapangarap niyang bahay. – FRJ GMA News