Ipagpapatuloy ngayong araw ng Martes ang paghahanap sa isang 13-anyos na batang nawawala matapos maligo sa Baseco Beach sa Maynila noong Linggo.

Magdadalawang araw na pero hindi pa rin nahahanap ng mga awtoridad ang binatilyong si Rhomel Baluyot.

Naligo raw sa Baseco Beach nitong Linggo ng hapon si Rhomel.

Ayon sa tatay niyang si Ronald, mula sa Kalaw, nagpaalam noon ang anak na dadayo sa Baseco para mag-computer.

Pero nagkayayaan umano sila ng kaibigan nito na maligo sa dagat.

Marunong naman daw lumangoy ang kanyang anak pero dahil sa Habagat, lumakas ang current ng tubig noong tanghali.

Nakaligtas ang kanyang kaibigan, ngunit si Rhomel, inanod na raw ng malakas na agos ng tubig.

Sa kuwento sa kanya ng kaibigan ng anak, pilit niyang pinakakapit sa kanya si Rhomel upang hindi siya matangay ng malakas na alon.

"'Huwag kang bibitaw, malapit na rin ako pulikatin eh, baka madalawa tayo.' 'Yun 'yung sinabi niya sa 'kin," ani Ronald.

"Baka hindi po kinaya ng anak ko sa pagkapit sa kanya gawa ng sa brief lang po nakakapit eh," dagdag niya.

Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pasado alas-singko na ng hapon noong Linggo nang mai-report sa kanila ang nangyari.

Sa kabila ng masamang panahon, inikot pa rin daw nila at ng mga tauhan ng Coast Guard at Bureau of Fire Protection ang paligid ng Baseco Beach, maging ang breakwater at bahagi ng Ilog Pasig.

Pero hindi pa rin umano nila nakita si Rhomel dahil na rin sa malakas na current ng tubig.

"Parang positive negative (ang agos) eh. May papunta sa north, 'yung isa south. Parang nagpapalit 'yung agos galing Pasig, tapos 'yung agos ng Manila Bay. Tapos 'yung ulan po, on/off on/off, hihina bigla, lalakas bigla," kuwento ni Primo Bating Jr., team leader ng search, rescue and retrieval team ng MDRRMO.

Ayon sa tatay ni Rhomel, nakipag-ugnayan na siya sa Coast Guard at sinabing itutuloy nila ngayong umaga ang paghahanap sa kanyang anak.

Bagamat masakit, tanggap na raw ni Ronald na posibleng wala na ang kanyang bunsong anak.

"Pero hahanapin kita kahit anong mangyari, Rhommel, makita lang kita, makita ko lang 'yung katawan mo," ani Ronald.

Hindi pa rin daw matanggap ni Roselyn Ytac na nawawala pa rin ang kanyang anak na si Rhomel. JHOMER APRESTO/GMA News

Ang nanay naman ni Rhomel na si Roselyn Ytac, hindi pa rin matanggap ang nangyari.

Nangako pa raw ang anak na may ireregalo siya sa kanyang kuya para sa birthday nito sa darating na Agosto 19.

"Hindi namin akalain na ang regalo niya, mawawala siya ng ganyan. Wala kaming senyales na mawawala 'yung anak ko...Ang sakit-sakit talaga. Hindi ko kaya eh," ani Roselyn.

Una nang sinabi ng mga taga-MDRRMO na bawal talagang maligo sa Baseco Beach.

May nagbabantay din naman daw doon pero nalusutan pa rin sila ng mga bata.

Dahil sa nangyari, nagpaalala naman ang MDRRMO sa barangay na doblehin pa ang pagpapatrolya sa lugar.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng barangay. —KG GMA News