Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes sa mga awtoridad na masusing imbestigahan ang nangyaring pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante. Nagdeklara naman ng araw ng pagluluksa at panalangin ang pamunuan ng unibersidad.

Sa isang pahayag nitong Martes, ipinaabot ni Marcos ang kaniyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University dahil sa nangyaring trahedya, na hindi umano dapat nangyari.

“Our schools are where we entrust our children to learn, to grow and to dream about the lives ahead of them. They must also be among the safest places in our country,” sabi ni Marcos.

“I have directed our law enforcement agencies to conduct a thorough investigation into this incident and to determine what more must be done to prevent another family, another school and another community from suffering the same grief,” dagdag niya.

BASAHIN: 2 estudyante patay sa pamamaril sa eskuwelahan sa Zamboanga

Sinabi ng Pangulo na makikipagtulungan ang pamahalaan sa mga paaralan at komunidad para maprotektahan ang mga mag-aaral at tiyaking maipagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral nang walang pangamba.

“Every Filipino family deserves that assurance,” sabi pa ni Marcos.

Binasa rin ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa isang punong balitaan ang naturang pahayag.

Samantala, hinimok ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ang publiko na iwasan ang pagkakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, mga larawan, at video kasunod ng isang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga Junior High School.

Sa isang pahayag, sinabi ng pamahalaang lungsod na magdulot ng hindi makabuluhang alarma at posibleng makasagabal sa pagtugon at imbestigasyon ng pulisya ang mga maling impormasyon.

Sinabi ng mga awtoridad na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng paaralan, sa Zamboanga City Police Office (ZCPO), at iba pang kinauukulang ahensiya habang tinutugunan ang insidente.

Tiniyak ng pamahalaang lungsod sa publiko na kontrolado na ang sitwasyon at may mga ipinapatupad na angkop na hakbang sa seguridad.

Pinapayuhan ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal na abiso mula sa pamahalaang lungsod, pulisya, pamunuan ng paaralan, at iba pang kinauukulang awtoridad.

"The safety and well-being of our people remain the highest priority of the City Government of Zamboanga," sabi ng pamahalaang lungsod.

Araw ng Pagluluksa

Idineklara naman ni Padre Anthony “Ernald” Andal, SJ, Pangulo ng Ateneo de Zamboanga University, ang isang araw ng pagluluksa at panalangin sa Agosto 19, Miyerkoles, kasunod ng nangyaring insidente.

“We are so saddened by this incident that tomorrow, today, we are cancelling all classes at all levels at Ateneo de Zamboanga University,” sabi ni Andal sa isang punong balitaan.

“And tomorrow, declaring that there would be a day of mourning and prayer for all of us. We are truly, truly saddened by what had happened,” dagdag niya.

Ayon naman kay Andal, wala nang iba pang aktibong shooter o naitalang nasawi o sugatan.

Tinitiyak din niyang ligtas nang pinauwi sa kanilang mga magulang o guardian ang mga inilikas na estudyante.

Sinabi rin ni Andal na nakikipag-ugnayan ang unibersidad sa mga awtoridad at magbabahagi ng mga karagdagang impormasyon.

“We do not want any of these things to happen. We wish to prioritize the safety of all our students. As soon as we found out what had happened this morning, all of us in coordination came over, making sure that our students from grade school and junior high school are safely evacuated,” sabi niya.

Sa isang post sa social media, sinabi ng Ateneo de Zamboanga University na nagtakda na sila ng mga opisyal na daanan ng komunikasyon at ipaaabot ang impormasyon sa publiko sa lalong madaling panahon.

"We urge the public to refrain from sharing unverified info, photos, and videos as these will only bring further harm to those involved and may hinder the ongoing investigation of the incident. In the meantime, we ask everyone to respect the privacy of all affected individuals," dagdag nito.

Samantala, sinabi ni Andrew Cortes, spokesperson ng Zamboanga City Police Office, na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA News