Suagtan ang isang factory worker matapos siyang barilin ng katrabaho niyang security guard dahil umano sa dati na nilang alitan sa Barangay Lawang Bato, Valenzuela.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente nitong Linggo ng hapon sa pinapasukan nilang plastic manufacturing company.

Batay sa pulisya, nagcha-charge ng cellphone ang 52-anyos na biktima nang bigla siyang lapitan ng katrabahong security guard at barilin sa tiyan.

Sa kabila ng tinamong sugat, nagawa umano ng biktima na makipag-agawan ng baril sa suspek.

“Nagkaroon po ng pambuno hanggang sa maagaw po niya 'yung baril na gamit ng ating suspek. At sa tulong po ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho ay nakuha po, na-recover 'yung baril at na-pacify po sila,” sabi ni Police Major Robin Santos, Chief, IDMS, Valenzuela Police Station.

Nadakip ang suspek na nakuhaan ng .38 na baril na kargado ng mga bala, habang dinala naman ang biktima sa ospital.

Nakabilanggo na sa Valenzuela Police Station custodial facility ang suspek, na nahaharap sa reklamong frustrated murder at illegal possession of firearms.

“Dahil 'yung baril na kaniyang ginamit ay hindi pala sa kaniya naka-issue na pag-alaman namin na ito ay sa security agency,” sabi ni Santos.

“Batay po sa aming imbestigasyon, mayroon na silang dating alitan nitong victim. ‘Di umano ang ating biktima ay sinusumbong ang gawain nitong suspect na kapag naka-duty siya bilang guwardiya ay nakainom siya,” dagdag ni Santos.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, habang sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News