Inilahad ni Ara Mina na marami siyang natanggap na “indecent proposals” lalo na noong nagpapa-sexy siya sa kaniyang mga role. Ayon sa aktres, may pagkakataon pa ang manager niya ang tinatanong kung "magkano."
Sa kaniyang nakaraang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs” tinanong ni Susan Enriquez si Ara tungkol sa mga naranasan niyang indecent proposal.
“Madami,” pagbabahagi ng aktres. “Meron pa nga tumawag sa manager ko, magkano daw ako sa dinner. Sabi ng manager ko, ‘Anong magkano sa dinner? Ah, kakanta ba ‘to? Anong event po?’ “Hindi. Magdi-dinner lang sila.’ Nagalit 'yung manager ko.”
Si Dondon Monteverde, anak ng yumaong si Mother Lily Monteverde, ang manager noon ni Ara.
“Napamura siya. ‘Ay, hindi ganiyan ang alaga ako! Nagsi-sexy siya, pero hindi siya ganiyan!” pag-alala ni Ara na tugon ng kaniyang manager.
Ibinahagi ng aktres na ilang negosyante ang may kakaibang pananaw tungkol sa mga artistang gumagawa ng sexy roles.
“Siyempre nagsi-sexy na ako eh. ‘Yung iba kasing mga businessman, parang gano'n ang tingin minsan sa mga nagsi-sexy, ‘di ba?”
Ayon kay Ara, ilan sa businessman na kaniyang nakausap ang nagsabing naging kalakaran din ito sa industriya.
“Sabi rin ng mga kakilala kong businessman, naging kalakaran na rin,” sabi niya. “Merong mga ibang nakakaalam diyan.”
Bukod dito, nakatanggap din si Ara ng mga indecent proposal mula sa mga politiko.
“Maraming mga gano'n. Minsan nga, nagki-claim pa nga na nakasama ako, or ganiyan. Sabi ko, ‘Ha? Sino ‘yun?’ Hindi nga ako nakarating sa bayan niya. 'Yung mga time na nagse-sexy pa ako.”
Sa kabila nito, hindi niya ito pinapatulan.
“Before po, may mga gano'n, pero hindi ko po talaga kaya. Siyempre, gusto mo mahal mo 'yung tao. Parang pinagtatrabahuhan ko na lang. Parang hindi po ako nasisilaw sa gano'n,” pahayag niya.
Pag-alala pa niya, may isang nag-alok sa kaniya na ibabahay umano siya.
“Isang beses, hindi ko na maalala kung sino nga siya. Parang, ibabahay ka, tapos may kotse. May kotse naman ako ah. May bahay naman kami,” kuwento niya.
Para kay Ara, “offending” ang mga alok na kaniyang naranasan.
“Pinalaki ako ng magulang ko, pinag-aaral ako nang maayos. Kumbaga, hindi ako pinalaki para mag-gano'n lang,” paliwanag niya.
Nagkomento rin si Ara hinggil sa napabalitang isyu ng human trafficking sa showbiz industry.
“Ayoko kasi mag-judge ng kapwa natin. Kumbaga parang dahil may mga ganiyan, nadadamay 'yung mga nasa showbiz na walang ginagawa. Puwede kasing isipin din na, alam mo ‘yun, kahit walang mga ginagawa, puwedeng isipin na, ‘Ah, baka lahat ng taga-showbiz ganiyan. So, parang ang hirap lang na siyempre, iningatan mo 'yung pangalan mo. Tapos, ang artista, kumbaga parang kahit paano, tinitingala ng mga tao. So, nababahiran ang artista,” paliwanag niya.—FRJ GMA News
