Inilahad ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na posibleng naging daan ang online game na Roblox kaya naging bayolente o na-radicalize ang estudyanteng namaril sa Ateneo de Zamboanga Junior High School.

“So far may witnesses nang nakita siyang naglalaro niyan. Pero hindi pa tapos ang forensic examination ng kaniyang gadgets. So far we will call it third hand ang nagsabi na gumagamit siya noon,” sabi ni Remulla sa isang punong balitaan nitong Miyerkoles.

Dagdag pa ni Remulla, may nakikitang pattern sa ginawang aksyon ng shooter na, "‘yung pattern na ginagamit niya na naka-live video feed tapos nilagay niya doon sa (isang website), parang na-radicalize talaga ‘yung bata.”

Muling idiniin ni Remulla na binabalikan nila ang mga ginamit na gadget ng bata para matiyak kung nagsilbing daan ang Roblox para maimpluwensiyahan ng masama ang namaril na estudyante.

“The child, according to reports, was a very exceptional student. Number one in his class. So, never had behavioral problems. So, we are going to go through all of his gadgets para ma-ascertain namin na ginamit niya ‘yung Roblox para dito,” anang kalihim.

Dalawang estudyante ang nasawi sa naturang insidente, kabilang ang namaril. Isa pang estudyante ang nasugatan at patuloy na nagpapagaling.

"She's confined in the hospital and she's doing fine," sabi ni Elmer Apolinario, pinuno ng Zamboanga City Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na baril ng ama ng namaril na estudyante ang kaniyang ginamit at naipasok sa eskuwelahan.

Nagtatrabaho ang ama ng estudyante sa Bureau of Customs (BOC) na inalis na sa puwesto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. – FRJ GMA News