Sugatan ang isang mag-ina matapos silang pagtatagain sa loob ng kanilang bahay ng isang lalaking sinita at pinaalis sa isang sayawan sa Barangay Paril, Cebu City.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na unang nanggulo ang 22-anyos na suspek sa isang sayawan.
Dahil dito, sinita siya ng padre de pamilya ng mga biktima na ikinagalit ng suspek hanggang sa paalisin na siya sa sayawan.
Pinagbuntunan umano ng galit ng suspek ang mag-ina na natutulog noon sa bahay.
Nadakip naman ang suspek at narekober ang ginamit niyang itak sa pananaga. Pero itinanggi ng lalaki ang krimen.
Sinampahan siya ng reklamong frustrated murder, habang nagpapagaling sa ospital ang mag-inang biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA News
