May impormasyon na nakararanas umano ng pressure dahil sa kaniyang mga grado at depresyon ang estudyanteng namaril sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) nitong Martes na ikinasawi ng dalawang estudyante, ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso.

Ito ang inihayag ni Olaso nang tanungin tungkol sa posibleng motibo at target ng estudyante nang makapanayam sa GMA News’ Unang Balita nitong Miyerkoles.

“Medyo ano 'yung bata kasi 'yung grades niya hindi mataas. Although he's an honor student, kaso may parang hinahabol siyang grades,” sabi ng alkalde.

“So 'yung motive niya is 'yung teacher. Parang 'yun ang gusto niyang gantihan,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Olaso na may impormasyon na nakararanas ng depresyon ang estudyante.

“Noong binaril niya 'yung isang teacher doon, hindi niya natamaan. So noong medyo hindi niya nakuha 'yung gusto niya, lumipat siya sa ibang classroom. And naghanap na siya. Sino-sino lang binabanatan niya, 'di ba,” patuloy ng alkalde.

Sinabi rin ng alkalde na tinitingnan ng mga awtoridad kung nagkaroon ng pagkukulang sa seguridad ng paaralan matapos makapagpasok ng baril sa loob ang estudyante.

“Siguro may lapses of security. Kaya nga, we're asking the school to investigate properly paano nailusot 'yan [baril]," ani Olaso.

Dalawa ang nasawi sa naturang insidente, kabilang ang namaril na estudyante na nagbaril sa sarili. Isa pang estudyante ang nasugatan, ayon sa Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office.

May iba pang nasaktan at nagtamo ng minor injuries dahil sa nangyari.

Sa pulong balitaan nitong Miyerkoles, inilahad ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na posibleng naging daan ang online game na Roblox kaya naging bayolente o na-radicalize ang estudyanteng namaril.

https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/999118/ateneo-de-zamboanga-shooter-posibleng-naimpluwensiyahan-ng-roblox-game-ayon-kay-silg-remulla/story/

—FRJ GMA News