Muling inatasan ng Malacañang ang mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila ilang lugar na magpatupad ng angkop na alternatibong work arrangements sa Huwebes, Agosto 20, 2026 dahil sa epekto ng pinalakas na Habagat. Inatasan din ang mga namumuno sa mga pampubliko at pribadong paaralan na magpatupad ng alternative learning modes at learning continuity measures.

Batay sa Memorandum Circular No. 131, saklaw ng direktiba ang mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Region
  • Abra
  • Benguet
  • Ilocos Norte
  • Ilocos Sur
  • La Union
  • Pangasinan
  • Bataan
  • Bulacan
  • Nueva Ecija
  • Pampanga
  • Tarlac
  • Zambales
  • Batangas
  • Cavite
  • Laguna
  • Rizal
  • Occidental Mindoro

Inilabas ang direktiba batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at paghahanda sa patuloy na malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat, na ayon sa Palasyo ay nagdudulot ng panganib sa pagbaha at pagbiyahe.

Inatasan din ang mga ahensiyang responsable sa pagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness or response, at iba pang mahahalagang serbisyo na ipagpatuloy ang kanilang operasyon at magbigay ng mga kinakailangang tulong.

Samantala, ang mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers na isasailalim sa alternatibong work arrangements ay patuloy ding tatanggap ng kaukulang sahod o suweldo alinsunod sa umiiral na mga alituntunin at regulasyon.

Ipinauubaya din ng Malacañang sa mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan ang desisyon tungkol sa pagsususpinde ng klase sa mga lugar na hindi saklaw ng memorandum circular.

Samantala, ang pagsuspinde ng trabaho o pagpapatupad ng alternatibong work arrangements sa pribadong sektor ay nakasalalay sa desisyon ng pamunuan ng bawat kompanya.

Nilagdaan ang circular ni Executive Secretary Ralph Recto, sa bisa ng awtoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nitong Miyerkules, Agosto 19.

— FRJ GMA News