Natupad na sa wakas ang matagal nang pangarap ni Pokwang na makapagtanghal sa teatro sa pamamagitan ng pagkakasama niya sa cast ng musical na “Tulog Na.”

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ibinahagi ng komedyante na matagal na niyang pinapangarap na makapagtanghal talaga sa entablado.

Dagdag pa niya, naimpluwensiyahan ang paghanga niya sa teatro ng kapuwa aktres at malapit na kaibigang si Eugene Domingo, na itinuturing niyang idolo.

Sinabi ni Pokwang na binati siya ni Eugene kamakailan dahil sa kaniyang mga tagumpay sa pelikula at sa teatro.

Ayon sa Studio A Productions, ang “Tulog Na” ay naglalahad ng isang kuwento, “that whispers tales of living life to the fullest before the night falls."

Tampok din dito ang awitin ng Sugarfree na “Tulog Na.”

Unang itinanghal ang musical mula Agosto 14 hanggang 16, at muling mapapanood mula Agosto 21 hanggang 23 sa Powermac Center Spotlight Blackbox Theater sa Makati City

Kamakailan lang, nanalo si Pokwang ng Cinemalaya Best Actress award para sa kaniyang pagganap sa “2 Valid IDs.” Kasama niyang nanalo si Ruby Ruiz, na kinilala naman para sa kanyang pagganap sa “Status: Rejected.”-- Jade Veronique Yap/FRJ GMA News