Nagbigay ng maigsing pahayag si Jopay Paguia tungkol sa umano’y alitan nila ng lider ng SexBomb Girls na si Rochelle Pangilinan.
Sa episode ng “Kalurks” nitong Linggo, na panauhin sina Viva Hot Babes na sina Maui Taylor, Katya Santos, at Andrea Del Rosario, nagpadala si Jopay ng maikling pahayag kay DJ Jhai Ho.
Bagaman sinabi ni Jopay na wala siyang komento tungkol sa usapin ng umano’y alitan nila ng kapuwa miyembro ng SexBomb, sinabi niya na, "Let’s just let Rochelle do the talking. Basta kung saan siya masaya, support tayo.”
Sa isang nakaraang pagbisita sa “Fast Talk with Boy Abunda” ni Rochelle, sinabi nito na hindi maiiwasan na may hindi pagkakaunawaan sa bawat grupo o pamilya.
Idinagdag niya na nakadepende pa rin ito kung paano aayusin, at kung gugustuhin ng isa na maresolba ang hindi pagkakaunawaan.
Naging usap-usapan ang umano’y alitan sa loob ng SexBomb Girls matapos mapansin na wala sina Jopay at Sunshine Garcia sa music video ng “Mama Mama.
Muling nagsama-sama ang SexBomb Girls para sa isang concert sa Araneta Coliseum noong Disyembre 2025. Ngunit dahil sa napakalaking demand sa mga tiket, nagsagawa pa sila ng karagdagang mga pagtatanghal.
Nagsagawa rin sila ng world tour at bumisita sa mga lungsod sa Australia at Amerika.
Nakapaglabas na rin sila ng coffee table book tungkol sa kanilang reunion.
Napapanood ang bagong talk show na "Kalurks" tuwing Linggo ng gabi sa GTV. Hosts ng programa sina Ashley Rivera, Baus Rufo, at DJ Jhai Ho. — FRJ GMA News

_2026_09_21_10_29_34.jpg)