Bukod sa markado niyang role bilang kontrabidang si Bathalumang Ether ng "Encantadia," pangarap din ng wushu gold medalist na si Janice Hung na masungkit ang lead role sa gagawing international movie na "Mulan."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, pinanggigigilan sa galit ng mga encantadiks si Janice dahil sa kaniyang mabagsik at malupit karakter na kalaban ng mga Sang'gre.

Dahil sakim sa kapangyarihan, nais ni Bathalumang Ether na magapi ang iba pang Bathaluman gaya ni Emre para maghari sa Devas at sa buong Encantadia.

Pero kung malupit si Janice sa "Encantadia," nice and sweet ang dilag na 10 time wushu gold medalist sa tunay na buhay.

Aniya, pitong-taon pa lang siya nang magsimulang magsanay ng wushu dahil pangarap niyang maging action star.

Pero aminado si Janice na hindi naging madali ang kanyang paglalakbay para makamit ang kaniyang pangarap dahil tutol dito ang kaniyang mga magulang.

"My journey is hard kasi my parents weren't really supportive of wushu. Para sa kanila panglalaki 'yan, parang 'di bagay. But pinatunayan ko na gusto ko," lahad niya.

Halos araw-araw at dalawang beses kada araw daw kung ang mag-ensayo ni Janice ng wushu.

Maliban sa pagiging physically at mentally fit, maraming benefits daw ang makukuha sa pag-master ng naturang martial arts.

"Yung form, yung power, flexibility, body coordination, agility. Aside from that yung values," aniya.

Nag-e-enjoy daw si Janice na maging bahagi ng higanteng telefantasya na "Encantadia" at makatrabaho ang mga bigating artista tulad nina Marian Rivera, Zoren Legaspi, Solenn Heussaff at iba pa.

Pero hindi lang sa action movies sumasabak si Janice kung hindi maging sa musical theatre.

Kamakailan lang, nag-audtion si Janice sa isang international film outfit bilang Disney Princess na si "Mulan."

"Malay mo the next Mulan will be coming from the Philippines, from 'Encantadia.' Nakakatuwa," saad niya. -- FRJ, GMA News