Aminado sina Jennylyn Mercado at Gil Cuerva, ang bida sa upcoming GMA Primetime series na "My Love From The Star," na hindi madali ang kanilang roles na ginampanan sa bagong Kapuso program.
"Mahirap siyang gawin sa totoo lang. Mahirap siyang i-portray, 'yung role ni Steffi. Kasi ano siya eh kakaiba siyang tao. Kaya medyo challenge 'to para sa akin," sabi ni Jennylyn sa presscon na ginanap nitong Huwebes ng gabi.
#
"Kailangan panoorin, kailangan pag-aralan kasi mahirap na 'di ko magawa nang tama si Steffi. Nakakahiya sa original 'di ba?" dagdag pa ni Jennylyn.
Ayon sa Kapuso actress, ito raw ang unang pagsabak niya sa romantic-comedy project sa telebisyon.
Para naman newbie at modelong si Gil Cuerva, talagang pinanood daw niya nang buo ang original Korean series upang mapag-aralan ang karakter na kaniyang gagampanan at ang takbo ng kuwento.
"Aware ako kay Matteo pero 'di ko alam na character pala siya sa 'My Love From The Star,'" sabi ni Gil na gaganap bilang Matteo Domingo.
"Nung nag-audition ako for the show, I marathon yung show para siyempre to get to know yung character ko. What the show is about," sabi pa ni Gil.
"Sobrang thankful at honored ako na napunta sa akin 'yung role," dagdag pa niya.
Ang "My Love From The Star" ay kuwento ng isang alien na napadpad sa mundo at nahulog ang loob sa isang sikat na aktres.
Nakatakda itong ipalabas sa GMA-7 sa May 29. -- FRJ, GMA News
