Sa Facebook live chat na ginawa ng GMANetwork.com nitong Lunes, nasaksihan ng mga nakapanood ang kulitan at kung gaano na kakomportable sa isa't isa ang mga bida ng bagong Kapuso primetime series na "My Love From The Star," na sina Jennylyn Mercado at Gil Cuerva.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing maagang nagsimula ang araw nina Jennylyn at Gil para i-promote ang kanilang Kapuso series na Philippine adaptation ng "My Love From The Star."

Naging special guests sina Jen at Gil sa radio program ni Mike Enriquez sa dzBB.

Kinahapunan, enjoy na enjoy naman ang dalawa sa Facebook live chat ng GMA Network page, na bukod sa game na sinagot ang tanong ng fans ay sumabak din sa ipinagawang challenges sa kanila.

Si Jennylyn, ginaya ang model pose ni Gil.

Sumabak naman sa mabilisang sagot si Gil kung saan tinanong siya ni Jennylyn kung mas gusto ba nito na may may make-up siya o wala.

"Both," tugon ni Gil.

Sinundan ito ni Jennylyn ng tanong na, "Gandang-ganda ka sa akin kapag?'

"Kapag maganda ka. Which is always," sabi ni Gil.

Si Jennylyn, nag-a-ala pabebe dahil sa naturang sagot ni Gil.

Bilang sina Steffi at Matteo, kitang-kita ang chemistry nina Jennylyn at Gil na resulta raw ng magandang relasyon nila sa set ng kanilang serye.

"Hindi namin sinasadya basta go with the flow lang. 'Pag nagte-taping kami kahit papaano nagkakausap kami ganon," anang aktres.

"Thru time mas nakilala ko si Jen at mas nakilala niya ako, and thru time naging good friends din kami," saad naman ng baguhang aktor.

Noong Biyernes, nagkaroon naman ng special screening ng pilot episode na dinaluhan ng ilang piling fans at cast ng "My Love From The Star" kabilang na si Gil, Christian Bautista, Analyn Barro at Valentin.

Mapapanood ang "My Love From The Stars" simula ngayong Lunes, gabi-gabi pagkatapos ng "Mulawin Vs Ravena." -- FRJ, GMA News