Kahit pitong buwan nang tumatakbo ang istorya ng Kapuso hit afternoon series na, "Ika-6 Na Utos," marami pa rin daw pasabog na dapat abangan ang mga manonood, ayon kay Sunshine Dizon. Isa na rito ang sandali kapag natuklasan na ng kaniyang karakter na si Emma, na buhay ang kaniyang anak.
Matatandaan na inakala ni Emma na namatay sa sunog sa ospital ang kaniyang bagong silang na anak na pinangalanan niyang Milan.
Ang hindi alam ni Emma, tinangay ni Georgia, na ginagampanan ni Ryza Cenon ang kaniyang anak at pinangalanan niyang Sydney.
Ang isa pang hindi alam ni Emma, batid ng kaniyang kinakasama na si Angelo, na ginagampanan ni Mike Tan, ang ginawa ni Georgia.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, inihayag ni Sunshine na ang pagkaka-relate ng mga manonood sa kuwento ang dahilan kaya patuloy na tinatangkilik ang kanilang programa.
"I think it's really the story, 'yung relatability niya talaga. Kasi kung hindi man nangyari sa'yo, may kakilala kang nangyari sa kanilang gano'n," anang aktres.
Sa tumatakbong istorya, anim na taon na ang anak ni Emma na ninakaw ni Georgia.
Kaya pangako ni Sunshine, kaabang-abang kapag nalaman na ni Emma na ang anak ni Georgia ay ang kaniyang anak na inakala niyang namatay sa sunog.
"Hintayin nila 'pag nagkaalaman na at malaman ni Emma na buhay pala si Sydney, buhay pala sa Milan at magkabukingan na," patuloy ng aktres.
Sa tunay na buhay, ginagampanang mabuti ni Sunshine ang pagiging mabuting ina sa dalawa niyang anak.
Nitong nagdaang linggo, nagpaalam siya sa produksyon ng "Ika-6 Na Utos" para ibigay ang buong linggo sa kaniyang mga anak at makapagbakasyon sila sa Japan.
"Happy naman 'yung bunso ko, masaya siya dahil he got to spend time with me. Mga ayaw pa ngang umuwi," masaya niyang kuwento.
Bagaman aminadong napagod si Sunshine sa bonding nilang mag-iina sa Tokyo, balewala raw ito basta't para sa mga anak niya. -- FRJ, GMA News
